Advertisers
Ni Beth Gelena
Nagbukas si Enrique Gil tungkol sa kanyang personal na buhay, pahinga sa showbiz, at posibilidad ng muling pag-ibig sa isang emosyonal na one-on-one interview kay Karen Davila.
Aminado si Enrique na malaki ang naging epekto sa kanya noon ng pandemya dahil doon niya mas napahalagahan ang oras kasama ang pamilya, lalo na ang kanyang ina. Ibinahagi niyang simula nang pumanaw ang kanyang ama, naging sobrang malapit sila ng kanyang mommy dahil ito na rin ang tumayong ama para sa kanya.
Kwento pa ng aktor, halos buong kabataan niya ay inialay niya sa showbiz kaya nang biglang tumigil ang mundo dahil sa. pandemya, doon niya nakita ang maraming bagay na matagal niyang hindi napapansin — tulad ng pagtanda ng kanyang ina at paglaki ng kanyang mga kapatid.
Ayon kay Enrique, dumating siya sa puntong sobrang napagod siya matapos ang halos tuloy-tuloy na trabaho mula edad 15 hanggang 30. Kaya pinili niyang umatras muna sa telebisyon at pelikula upang magpahinga at hanapin muli ang kanyang sarili at inspirasyon.
Sa usapin ng pag-ibig, inamin ng aktor na hindi rin madali ang mag-isa. Bagama’t hindi niya direktang kinumpirma kung handa na siyang magmahal muli, naging makahulugan ang kanyang pahayag na: “Mahirap ring mag-isa.”
Marami tuloy sa fans ang umaasang bukas na muli ang puso ng aktor matapos ang matagal na relasyon nila noon ni Liza Soberano.
Ngayon, unti-unti nang bumabalik si Enrique sa industriya at tila mas malinaw na rin sa kanya kung ano ang gusto niyang tahakin — hindi lamang bilang artista kundi bilang anak, kapatid, at isang taong mas pinapahalagahan na ang balanse ng buhay.
May serye si Enrique sa TV 5, katambal si Andrea Brillantes, ang A Secret In Prague na kasalukuyang napapanood na.
May nagpupush na ligawan daw niya ang aktres, pero tingin naman daw ng mga nasa paligid ni Enrique ay walang balak ligawan nito ang petite actress.
Nilinaw ng aktor na wala siyang balak ligawan si Blythe dahil parang bunsong kapatid raw ang turing niya rito.