Advertisers
Patay ang isang ginang na 58-anyos na negosyante nang paslangin at pagnakawan ng hindi pa kilalang salarin sa Brgy. Pasong Camachile 1 ng General Trias City, Cavite Sabado ng umaga.
Base sa inisyal na report ng General Trias Component City Police Station dumating sa kanyang bahay ang biktima 6:30 ng umaga galing sa pamimili ng mga paninda sa General Trias Public Market subali’t 6:45 ng umaga nakita itong nakahandusay sa sahig na may mga pasa at sugat sa kanyang ulo ayon sa nakadiskubreng si alyas “Aira,” 41-anyos na kapitbahay ng biktima.
Naisugod pa sa Divine Grace Medical Center ang biktima subali’t idineklarang dead on arrival ng rumespondeng doktor sanhi ng sugat sa ulo na posibleng pinukpok umano ng isang matigas na bagay.
Ayon naman sa dating sa dating asawa ng biktima na isang Barangay Tanod sa lugar nawawala umano ang tatlong bag ng biktima na may laman na ‘di pa tukoy na halaga ng pera, isang cell phone at isang CCTV system.
Nagpapatuloy ngayon ang isinasagawang follow up at forensic investigation ng mga otoridad at inaalam na rin ang mga kuha ng CCTV malapit sa lugar para alamin ang posibleng pagkatao ng salarin sa likod ng krimen.(Koi Laura)