Advertisers
NAGBIGAY ng pahayag si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte hinggil sa kinakaharap na warrant of arrest ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa talumpati niya sa “Rage Coalition” event sa Mindanao noong Sabado, Mayo 23, pabirong sinabi ng alkalde na nalulungkot siya sa posibilidad na tuluyang maaresto si dela Rosa at maipadala sa The Hague, ngunit sa isang banda masaya umano siya dahil magkakaroon na ng kasama ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakadetine sa ICC detention facility na may kinakaharap na kasong crimes against humanity.
“Medyo nalungkot ako… pero sa totoo lang, medyo masaya rin kasi may kasama na ‘yung tatay ko doon kung sakali. Bad joke ‘yon,” ayon kay Duterte.
Si Dela Rosa ay kilala bilang isa sa mga pangunahing tagapagpatupad ng kontrobersyal na kampanya kontra droga noong panahon ng administrasyong Duterte bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).
Sa parehong talumpati, binatikos din ni Duterte ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sinabi niyang hindi siya interesadong makipagtulungan sa pamahalaan.
Ayon sa alkalde, lumalala umano ang kalagayan ng mga mamamayan at tila tinatarget ang mga kritiko ng administrasyon.
Kilala ang mga Duterte at Marcos na magka-alyansa noong 2022 election kung saan magkapartidong tumakbo si President Marcos at Vice President Duterte ngunit kalauna’y nagkaroon ng hidwaan dahil sa mga usapin sa pulitika.