Advertisers
Ni Anne Venancio
Isang property na dating pag-aari ng Asia’s Queen of Songs na si Pilita Corrales ang muling pinag-uusapan online matapos lumabas ang rush sale listing nito sa social media.
Ayon sa isang viral na post noong Marso 14, 2026 sa Facebook group na House and Lot For Sale Metro Manila, ibinebenta ang naturang bahay na tinawag na “Bahay Pilita Corrales” sa halagang PHP24 milyon at naka-mark bilang rush sale.
Ang dalawang palapag na bahay ay nakatayo sa 446-square-meter na lote na may kabuuang floor area na 350 square meters at may sapat na espasyo para sa isang malawak na tirahan.
Kabilang sa mga tampok nito ang apat na kuwarto, apat na banyo, semi-furnished na interior, at hiwalay na home office. Mayroon din itong quarters para sa driver at kasambahay na parehong may sariling banyo.
Kasama rin sa property ang four-car garage, solar water heater, at water tank na may motor. Matatagpuan ito sa Jackielou Ville, BF Homes, Parañaque City.
Ayon sa listing, direkta itong ibinebenta ng may-ari at hindi tumatanggap ng ahente o middleman upang mapabilis ang transaksyon.
Makikita sa disenyo ng bahay ang modernong arkitektura na may malinis na linya at neutral na kulay. Sa loob, may maluwang na living area na may mataas na kisame at open layout na konektado sa dining at kitchen area.
May malalaking sliding glass doors na nagbibigay ng natural na liwanag at access sa garden sa likurang bahagi ng bahay.
Sa itaas na palapag, makikita ang open landing at balcony na may tanaw sa paligid, na nagdadagdag sa preskong dating ng kabuuang istruktura.
Samantala, si Pilita Corrales ay pumanaw noong Abril 12, 2025 sa edad na 87, ayon sa ulat ng kanyang pamilya.