Advertisers
Ni Anne Venancio
Inilahad ni Sanya Lopez ang kanyang pananaw tungkol sa pagpili sa pagitan ng pag-ibig at karera sa isang episode ng Bare It All podcast ni Dani Barretto, kasama si Jodi Sta. Maria.
Aniya, may mga pagkakataong napipilitang mamili ang isang tao sa pagitan ng personal na relasyon at trabaho, at hindi ito isang madaling desisyon dahil parehong mahalaga ang dalawang aspeto sa buhay.
“Meron moment na kailangan mong mamili. Dun sa career mo, bawal ang love life, ‘di ba may ganyan. So, kailangan mo siyang tantsahin,” ani Sanya.
Dagdag pa niya, kahit masarap sa pakiramdam ang pag-ibig, nananatili pa rin ang tanong kung hanggang saan nito kayang punan ang kasiyahan ng isang tao kung isasantabi ang karera.
“Kapag pinili mo si love, at least masaya ka, happy ka. Pero ang tanong, hanggang saan ‘yung happiness na ‘yun?” aniya.
Para sa aktres, nakadepende pa rin ang tamang desisyon sa kung saan mas magiging panatag at buo ang isang tao. Aminado rin siya na kadalasan ay hindi pantay ang timbangan ng pag-ibig at karera, dahil may pagkakataong maayos ang trabaho ngunit may kulang sa personal na buhay, o kabaliktaran.
Giit nito, kung tunay ang pagmamahal, nauunawaan ng isang partner ang demands ng showbiz career, kaya madalas ay ang pag-ibig ang mas nag-aadjust o nagsasakripisyo.