Advertisers
KINUMPIRMA ng Philippine Navy na negatibo sa gunpowder residue o paraffin test ang mga tauhan ng Philippine Marine Corps na na-deploy sa Senado noong naganap ang barilan noong Mayo 13.
Sinabi ni Navy spokesperson Capt. Marissa Martinez na walang Marine na nagpaputok ng armas at wala silang direktang partisipasyon sa insidente.
Ayon naman sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), 44 na basyo ng bala ang narekober sa crime scene at apat na baril ang sangkot sa palitan ng putok.
Kabilang dito ang 26 na basyo mula sa 9mm pistol na umano’y ginamit ni suspended Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, base sa resulta ng ballistic examination.
Inirekomenda rin ng CIDG ang pagsasampa ng kaso laban kay Aplasca at dalawa pang Senate security personnel dahil sa umano’y paglabag sa Private Security Services Industry Act.
Samantala, sa panig naman ng pulisya, siniguro ni PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr. ang buong kooperasyon ng kanilang hanay sa imbestigasyon ng Department of Justice hinggil sa insidente.