Advertisers
IGINIIT ng Malacañang na hindi politically motivated ang kasong plunder laban kay Jinggoy Estrada at walang kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa proseso ng imbestigasyon.
Ito ang tugon ng Palasyo sa pahayag ni Estrada na may bahid ng pulitika ang kasong may kaugnayan sa umano’y budget insertion sa 2025 national budget, matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, matagal nang iniimbestigahan ang usapin at nabanggit na ang pangalan ng senador sa mga pagdinig noong nakaraang taon.
Binigyang-diin din ni Castro na ang Office of the Ombudsman ay isang independent constitutional body at hindi kontrolado o pinakikialaman ng Pangulo.
Aniya, ang Ombudsman ang nagrekomenda ng pagsasampa ng kaso na kalaunan ay isinumite sa Sandiganbayan.
Samantala, sinabi ni Castro na positibo ang naging boluntaryong pagsuko ni Estrada dahil ipinakita umano nito ang pagtalima sa proseso ng batas. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)