Advertisers
ANG sabi ng aking barbero, tuwang-tuwa siya kapag nababalitaang nagkakapatutsadahan diyan sa Senado. Ang kanyang dahilan, bumababa ang kanyang patingin sa matataas na mambabatas ng bansa.
Nakakatuwa raw dahil sa kanyang pagkakaalam malalaking tao ang mga ito, may pinag-aralan pero ay ang iba til wala. Mayayaman pero kung umasta minsan ay daig pa ang asal ng mga nakatira sa kalye.
Mga “hunyango” ang kanyang paglalarawan pa nga at di ko na banggitin pa ang kanyang mga pinangalanang mga Senador, dahil baka nagpalit naman sa atin.
Pero tama naman ang aking barbero di ko na rin muna siya papangalanan, unless naalala niyo siya nang mailahad ko rito ang kanyang mga obserbasyon sa mga pangyayari sa bansa.
Ordinaryong tao maituturing ang aking barbero, ngunit kung mapapakinggan niyo siya, para sa akin mas mahusay siya kaysa sa ating mga “hunyangong Senador.”
Una, ang sabi niya, ang ating mga Senador ngayon ay iniisip o’ itinuturing ang kanilang mga sarili na mga sikat na artista. Kasi raw sa galing sa pag-arte at pagbabalatkayo, kailangan “fully covered” o’ tadtad ng camera ang session hall ng Senado. Dito raw ipapamalas ng mga “hunyangong mga senador” ang kanilang galing sa pag-arte.
Sabi ng aking barbero, dinadamay lang tayo ng mga ‘hunyangong mga senador’ sa kanilang mga drama, “at katangahan”, at ginagawa tayong mga “tanga.”
Bakit naman kako? Kasi raw itinuturing ng mga ‘hunyangong mga senador’ ang taong bayan na ‘tanga’ gaya nila. At kahit di na kapani-paniwala ang kanilang mga pinagsasabi ay pilit pa rin nila tayong isinasali sa kanilang kaguluhan.
Ang taong bayan aniya, ay may sarili ng pag-iisip at kung tutuusin ay mas mahusay pang humanap ng paraan para iahon ang buhay sa hirap.
“Sila bang mga hunyangong mga senador ay nakakaisip ng paraan para maiahon sa hirap ang mga ordinaryong tao gaya natin sa hamon ng pang araw-araw na buhay?,” ang tanong ng aking barbero.
Napaisip ako, may mga nagawa na bang ikaaangat ng buhay ng bawat Filipino itong mga “hunyangong Senador” natin?