Advertisers

Advertisers

RIDON, BARBERS: SENATE ‘SHOW’ ‘DI MAPIPIGILAN ANG IMPEACHMENT LABAN KAY VP SARA!

0 5

Advertisers

DAPAT magpatuloy ang impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa tamang forum at hindi dapat maantala dahil sa mga maling testimonya, pampulitikang distraksiyon, at isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na kinukuwestiyon ang awtoridad.

Mariing tinutulan nina House prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang kasalukuyang aktibidad sa Senado na kinasasangkutan ng mga diumano’y testigo. Ayon sa kanila, tila layunin ng mga pagdinig na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment case patungo sa mga alegasyong nakabinbin na sa korte.

“Kasinungalingan ang testimonya ni Jowly Cadiao. Walang maleta na idineliber sa akin sa kahit anumang panahon o sa kahit saan mang lugar,” diin ni Ridon, ang chairman ng House Committee on Public Accounts.

Naglabas ng pahayag si Ridon matapos siyang maiugnay sa umano’y pagdadala ng isang maleta batay sa testimonya sa kontrobersyal na pagdinig sa Senado. Mariin niya itong itinanggi habang patuloy ang sigalot sa liderato ng Senado at ang mga tanong hinggil sa legalidad ng naturang pagdinig.

“Tandaan: Tuloy ang impeachment trial. Walang kasinungalingan o gawa-gawang testimonya ang makapipigil sa House prosecution panel na magtuloy sa paglalahad ng katotohanan sa paglilitis ng Pangalawang Pangulo,” ani Ridon.

Samantala, sinabi ni Barbers na dapat nang ipaliwanag ng mga diumano’y testigo ang kanilang mga alegasyon sa hukuman, lalo na’t nahaharap na sila sa mga kaso mula sa mga personalidad na dati nilang idinadawit sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

“Sa korte na lang kayo magpaliwanag,” ayon kay Barbers, na nagsilbing lead chairman ng House Quad Committee noong nakaraang ika-19 na Kongreso.

Inilarawan ni Barbers, dating chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, ang kasalukuyang aktibidad bilang isang operasyong pampulitika na naglalayong guluhin ang impeachment proceedings laban kay Duterte at siraan ang Kamara de Representantes at ang International Criminal Court (ICC).

“Bagama’t hindi ako maaaring magkomento sa kasong isinampa ko laban sa mga taong ito, nais kong ituro na ang nagpapatuloy na pagpupulong ay isang seryosong pagtatangka sa destabilisasyong pampulitika. Layunin nitong ilihis ang atensyon mula sa impeachment ni VP Sara patungo sa umano’y flood control scandal. Maliwanag na ang palabas na ito ay naglalayong siraan ang House of Representatives at maging ang ICC,” ani Barbers.

Idinagdag niya na ang mga lokal na hukuman at ang ICC ang tamang lugar upang dinggin ang naturang mga usapin.

“Nakagugulat ito! Ito na ngayon ang kantang inaawit ng mga taong ito. Isipin ninyo, tungkol sa pinagmulan ng umano’y pera para sa payout ang kanilang mga pahayag, ngunit ni isa sa kanila ay walang nakita o nahawakan ang naturang pera. Ang kanilang mga kuwento ay umiikot lamang sa mga maleta, paper bag at sobre. Walang matinong abogado ang magbibigay-halaga sa ganitong uri ng pagkukuwento at pagsisinungaling ng isang testigo. Umaasa akong binibigyang-pansin ito ng mga tamang hukuman sa ngalan ng hustisya,” dagdag ni Barbers.