Advertisers
INIIMBESTIGAHAN NGAYON ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang kontrobersyal na pagbebenta ng 29-ektaryang lupain sa Barangay Sta. Rita Aplaya sa Batangas City na nagkakahalaga ng ₱581 milyon noong administrasyon ni dating Batangas Governor at kasalukuyang Bise Gobernador na si Hermilando Mandanas.
Batay sa audit report ng Commission on Audit (COA), nailipat umano ang lupa sa pribadong sektor sa loob lamang ng 70 araw nang walang public bidding. Natuklasan ding ginamit ang “Development Contract” at “Deed of Absolute Assignment” sa transaksyon, na umano’y nakaiwas sa mga rekisito ng bidding at paunang pag-apruba ng COA.
Habang iginiit ni Mandanas na nakinabang ang lalawigan sa proyekto para sa planong Regional Food Terminal, sinabi naman ni Provincial Administrator Atty.Joel Montealto na walang aktuwal na development na naisagawa at nanatiling bakante parin ang nasabing lupain.
Lumabas din sa audit ang sunod-sunod na paglilipat ng karapatan sa lupa sa iba’t ibang korporasyon bago ito mapunta sa Abacore Capital Holdings Inc. noong 2021. Ayon pa sa COA, maaaring mas mababa sa tunay na halaga ang bentahan ng lupa, dahil ang mga kalapit na ari-arian sa paligid ng Port of Batangas ay tinatayang nagkakahalaga ng hanggang ₱6.5 bilyon. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may naganap na paglabag at kung naprotektahan ang interes ng lalawigan ng Batangas.(Koi Laura)