Advertisers

Advertisers

NPC kinondena pahayag ni Marcoleta na ‘bayaran’ ang media

0 3

Advertisers

Kinondena ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang pahayag ni Senador Rodante Marcoleta nitong Huwebes, Hunyo 4, na “bayaran” umano ang karamihan ng mga miyembro ng media.
Ayon kay NPC President Leonel “Boying” Abasola, ang ganitong malawak at walang sapat na batayang pahayag ay nakasisira sa imahe ng buong hanay ng mamamahayag at nakakapinsala sa mahalagang papel ng malayang pamamahayag sa bansa.
Sana rin aniya ay kinumusta man lamang ang Senate media.
Giit ni Abasola, libo-libong mamamahayag sa bansa ang araw-araw na nagsasakripisyo upang maghatid ng tama, balanse, at makabuluhang impormasyon sa publiko, at madalas ay nalalagay pa sa panganib ang kanilang kaligtasan.
“Ang mga pahayag mula sa mga halal na opisyal, lalo na sa loob ng isang opisyal na pagdinig ng Senado, ay may bigat at impluwensiya sa pananaw ng publiko,” pahayag ng NPC.
“Dahil dito, mahalagang maging responsable, makatotohanan, at patas ang mga ito upang hindi makalikha ng maling impresyon na maaaring magdulot ng higit pang pag-atake, paninira, o kawalan ng tiwala sa mga lehitimong institusyon ng media,” dagdag pa nito.
Nanindigan ang NPC na ipagpapatuloy nito ang pagtataguyod ng malayang pamamahayag, propesyonalismo, at pananagutan sa media, at bukas din ito sa mga makabuluhang talakayan para sa pagpapalakas ng etika at integridad sa industriya.
Nanawagan din ang grupo sa mga opisyal ng pamahalaan na igalang ang tungkulin ng media bilang tagapaghatid ng impormasyon at bantay ng demokrasya, at iginiit na ang pagpuna ay dapat nakabatay sa katotohanan at hindi sa pangkalahatang akusasyon.