Advertisers
“TRAUMATIKO.” Ito ang ginamit na salita ni Sherwin Gatchalian, bagong hirang na Pangulo ng Senado, sa pagsasalarawan sa iniwang matinding sugat na iniwan ni Alan Peter Cawatano sa institusyon ng Senado.
Labis na ginulo ni Cawatano ang Senado nang namuno ito sa pinakamaikling panahon. Tumagal lang siya ng dalawang linggo sa poder, ngunit matinding “stress’ ang iniwan sa mga senador, ani Gatchalian. Hindi pa ganap na nakakarekober ang mga senador sa gulong dulot ni Cawatano at kailangan ng kaunting panahon upang muling ikasa at pakinabangan ang Senado.
Bagaman hindi dinagdagan ni Sherwin ang mga salita sa iniwang trauma o sugat sa damdamin ng Senado, naliliwanagan na hindi siya natuwa sa labis na ambisyon o pagkagahaman sa poder ni Cawatano. Nais kontrolin ni Cawatano ang lahat upang paboran si Misfit Sara na nahaharap sa impeachment trial.
May bilyon-bilyong piso na nakulimbat si Misfit at asawang Manash Carpio. Iba mangusap ang bilyones upang impluwensiyahan ang impeachment trial ni Misfit na gagawin ng Senado bilang hukuman. Iyan ang dahilan kung bakit nagkukumahog si Cawatano upang magamit ang poder ng Senado at iliko sa ibang direksyon ang paglilitis.
Matindi ang epekto ng kaguluhang dinala ni Cawatano sa Senado. Lumabag ang Senado sa mga gawain na itinakda ng Saligang Batas. Nagbigay si Cawatano ng protective custody kay Bato dela Rosa, ang puganteng senador na haharap sa arrest warrant ng ICC laban sa kanya sa pagpuksa sa humigit kumulang na 30,000 katao sa madugo pero palpak na war on drugs ni Gongdi.
Walang anumang kapangyarihan sa batas na magbigay si Cawatano ng protective custody kay Bato. Nahaharap si Cawatano at Camoteng Robin sa sakdal na obstruction of justice dahil sila ang nagbigay daan upang nakapuslit si Bato sa kamay ng batas.
Si Cawatano ang dahilan kung bakit nag-boykot ang mga kasamang senador sa huling tatlong araw na sesyon plenaryo ng Senado. Dahil sa kanilang hindi pagsipot sa sesyon, nabalam ang pagpasa ng ilang mahalagang panukalang batas. Hindi lang iyan.
May pagtatangka na agawin ang gobyerno mula kay BBM. Balak na ibalik si Cawatano bilang Senate President, ngunit pawang nabigo sila dahil wala silang suporta sa publiko. Nagdaos sila ng hindi kinilalang pulong ang nagpanggap na Blue Ribbon Committee. Balewala ang lumabas sa pagsisiwalat umano ng tinaguriang “Maleta Boys,” o mga dating bodyguard ni Zaldy Co.
Naging paralisado ang Senado sa maikling panahon na nasa timon si Cawatano. Hindi nakakilos. Hindi nagampanan ang tungkulin. Sa tantiya ni Ping Lacson, sumuka ang gobyerno ng P700 milyon dahil sa kagaguhan ni Cawatano. Maaaring magamit ang halaga sa ilang mahalagang gastos ng gobyerno tulad ng paggawa ng mga bagong silid aralan at pagtulong sa mga biktima ng ilang kamalasan tulad ng lindol at bagyo.
***
HINDI totoo na si Tricky Tsis Escudero ang napipisil ng Senado bilang presiding officer ng Senate impeachment court. Wala pang desisyon ang Senado sa isyung iyan, ayon kay Sherwin sa isang pulong balitaan isang araw pagkatapos na ihalal siya bilang Senate President.
Pag-uusapan pa ng mga senador kung sino ang presiding officer ng Senate impeachment court at itinanggi ni Sherwin ang anumang tangka na pangungunahan niya ang desisyon ng Senado. Sa amin, hindi kami sang-ayon na si Tricky Tsis ang presiding officer ng Senate impeachment court. Masyadong malansi si Tricky Tsis. Hindi siya dapat pagtiwalaan.
Hindi namin nalimutan kung paano inupuan ni Tricky Tsis ang unang Articles of Impeachment na isinumite ng Camara de Representante noong nakaraang taon. Binaluktot ni Tricky Tsis ang atas ng Saligang Batas upang hindi pilayin ang impeachment trial.
Kapag si Tricky Tsis ang umupo bilang presiding officer, hindi kami magtaka kung dalhin niya ang paglilitis sa direksyon na makakalusot si Misfit Sara. Malaki ang poder ng presiding officer. Hawak niya ang gavel. May poder siya na kilalanin kung sino ang dapat magsalita sa paglilitis. Gagamitin niya ang poder na iyan upang paboran si Misfit Sara.
Dahil si Sherwin ang Senate President at siya ang nakaupo sa unang pagbagsak ng gavel sa pagbubukas ng paglilitis sa susunod na buwan, kailangan pag-aralan na niya ang mga kailangan ng judicial trial. Kailangan ganap niyang matutunan ang kahalagahan ng mga ebidensya at ang wastong pagtitimbang sa mga ito.
Kung ayaw ni Sherwin ng ganitong kabigat na gawain, maaaring hilingin ng Senado sa Punong Mahistrado ng Korte Suprema na siya ang umupong presiding officer. Walang karapatan na bumoto ang Punong Mahistrado dahil tanging ang mga senador lang ang may poder sa paglilitis, ngunit maaari niyang bigyang buhay at direksyon ang judicial trial.
***
KUNG si dating Kin. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte ang tatanungin, hindi sapat ang pretrial brief na isinumite ng kampo ni Misfit Sara sa Senado. “Ang unang napansin ko’y kulang sa detalye ang ilang mahahalagang bahagi ng kanilang pre-trial brief. Ang layunin ng pre-trial ay maging malinaw sa lahat kung sinu-sino ang mga testigo at ano ang kanilang sasabihin upang maiwasan ang mga sorpresa habang nagpapatuloy ang paglilitis,” ani Ace.
Hindi rin sapat ang pagbibigay paliwanag sa mga saksi na pinangalanan ng kamp ni Misfit Sara. “Napansin ko rin na marami sa mga testigo at dokumentong binanggit ay pareho ng mga nauna na inilista ng prosekusyon. Natural lang na itanong ng publiko kung ano ang pangunahing ebidensyang iniharap ng depensa upang suportahan ang kanilang sariling panig,” aniya.
“Hindi ito usapin ng pulitika o personalidad. Ang gusto lamang makita ng taumbayan ay isang malinaw, patas, at transparent na proseso. Kung may mga paliwanag sa mga alegasyon, mas mabuting mailatag ang mga ito nang maaga upang mas maintindihan ng publiko ang magkabilang panig,” aniya. “The impeachment process is ultimately about facts and evidence. Hayaan nating lumabas ang katotohanan at hayaan nating makita ng sambayanang Pilipino ang buong larawan bago sila humusga.”