Advertisers
LUMAGDA ang Pilipinas at Canada ng apat na bagong kasunduan na magpapalakas sa pagtutulungan ng dalawang bansa sa turismo, kultura, enerhiya, likas na yaman, at paggawa.
Sinaksihan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Canadian Prime Minister Mark Carney ang paglagda sa mga kasunduan matapos ang kanilang bilateral meeting sa Vancouver, Canada.
Kabilang sa mga nilagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) sa kooperasyon sa turismo, MOU sa cultural cooperation, Joint Declaration of Intent sa enerhiya at likas na yaman, at Joint Declaration of Intent sa labor at migration.
Ayon kay Pangulong Marcos, makatutulong ang mga kasunduang ito upang mas mapalawak ang kooperasyon ng dalawang bansa at makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino at Canadian, lalo na sa larangan ng trabaho, turismo, at pagpapalitan ng kaalaman at talento.
Bahagi ang mga kasunduang ito ng layunin ng Pilipinas at Canada na higit pang palawakin ang kanilang matatag na ugnayan at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa kapwa bansa. (Vanz Fernandez)