Advertisers
NAKAKUHA ang Pilipinas ng humigit-kumulang US$2.5 bilyong halaga ng investment commitments mula sa mga Canadian companies sa larangan ng pagmimina, enerhiya, IT at business process management, at digital economy.
Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing investment na malaking tulong para lalo pang mapalago ang ekonomiya ng bansa.
Sa sidelines ng kaniyang official visit sa Canada, nakipagpulong ang Pangulo sa ilang malalaking kumpanya sa Canada na nagpahayag ng interes na mamuhunan sa bansa.
Ayon pa sa Malakanyang, patuloy ang negosasyon para sa posibleng free trade agreement ng Pilipinas at Canada upang lalo pang palakasin ang ekonomiya ng dalawang bansa.
Tinalakay din sa pagbisita ng Pangulo ang posibilidad ng artificial intelligence hubs at training centers sa bansa upang palakasin ang kasanayan sa AI workforce.
Pinuri rin ng Pangulo ang patuloy na suporta ng Canada sa rules-based international order at UNCLOS, lalo na sa usapin ng South China Sea.
Una ng inanunsyo ni Pangulong Marcos na itinaas na sa strategic partnership ang ugnayan ng Pilipinas at Canada matapos ang kanyang official visit.
Sinabi ng Pangulo, napagkasunduan ang mas malalim na kooperasyon ng dalawang bansa sa seguridad, kalakalan, enerhiya, teknolohiya at iba pang sektor kasama si Canadian Prime Minister Mark Carney at mga opisyal at negosyante.