Advertisers
Mariing isinusulong ni Negros Occidental Third District Rep. Javier Miguel “Javi” L. Benitez ang pagsasabatas sa panukalang Artificial Intelligence Development and Regulation Act
Nabatid na layunin ng panukalang batas na pabilisin ang pag-unlad at responsableng paggamit ng artificial intelligence (AI) sa Pilipinas kaysa sa paghihigpit sa paggamit nito at magkaroon ng access para sa mga Filipino researchers, AI adoption sa mga maliliit na negosyante, eskwelahan at iba pa.
“We studied Brussels, Washington, and Beijing, but we are writing a Filipino law, one that works for the farmer, the teacher, and the small business owner in the province,” pahayag ni Benitez na tumatayong chairman ng technical working group (TWG) sa ilalim ng House Committee on Information and Communications Technology (ICT).
Nasa 60 stakeholders mula sa government agencies, regulators, industry, universities, at civil society ang dumalo sa deliberasyon sa Speaker Nograles Hall sa Kamara de Representates.
Kaugnay nito itinuturing na prayoridad ng Kamara de Representantes ang panukalang ito, kung saan 26 na panukalang batas mula sa Kamara, tatlong resolusyon, at isang privilege speech ang isinangguni sa TWG at kalaunan ay pinagsama-sama sa inihandang substitute bill.
Nagkaisa ang mga kalahok na dapat idisenyo ang mga AI system upang suportahan ang human autonomy, informed decision-making, at makabuluhang human oversight.
Pinagtibay ng panel ang probisyon na nagsisiguro na gagamitin ang AI upang mapahusay, sa halip na pahinain, ang kakayahan ng tao sa pag-iisip at pag-unawa.
Binigyang-diin din ng mga stakeholder ang pangangailangang tugunan ang epekto ng AI sa kapaligiran, palakasin ang kakayahan ng bansa sa AI diplomacy sa gitna ng pabago-bagong pandaigdigang supply chain, at bumuo ng sariling AI capabilities bilang suporta sa pambansang seguridad.
Nabatid na sa kasalukuyang bersyon ng substitute bill, hindi na kailangang iparehistro sa pamahalaan ang karamihan ng mga AI system. Tanging ang mga itinuturing na high-risk AI systems lamang ang sasailalim sa pagpaparehistro at pagsusuri sa kaligtasan.
Samantala, pinapayagan din ng panukala ang mga startup na gumamit ng isang regulatory sandbox na itatatag ng pamahalaan upang mabigyan sila ng gabay at pangangasiwa sa pagbuo, pagsasanay, pagsubok, at pagpapatunay ng mga bagong AI system.
Bukod dito, naglalaman ang panukala ng mga proteksyon para sa mga manggagawang maaaring maapektuhan ng pagkawala ng trabaho dahil sa paggamit ng AI. Itinatakda nito na walang Pilipino ang maaaring tanggalin sa trabaho batay lamang sa desisyon ng isang algorithm.
Inaatasan din ang mga employer na magbigay ng 60 araw na abiso at pagkakataon para sa retraining bago ipatupad ang anumang displacement na dulot ng AI.
Maaring magsumite ang mga stakeholders ng kanilang panukalang amendments ng hanggang sa Hulyo 20 sa pamamagitan ng ICT Secretariat. Muling magpupulong ang panel sa susunod na buwan.(Boy Celario)