Advertisers
By Anne Venancio
Inamin ni Nadine Lustre na hindi pa niya nakikita ang sarili na maging isang ina.
Sa panayam sa Almost Honest podcast ni Kylie Verzosa, sinabi ng aktres na ang pagiging breadwinner mula pa noong bata siya ang isa sa mga pangunahing dahilan ng kanyang desisyon. Nagsimula umano siyang magtrabaho sa edad na 12 sa commercials at modeling, na naging daan upang makatulong sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid at masuportahan ang kanilang pamilya.
Ayon kay Nadine, matagal niyang inuna ang kapakanan ng iba kaya nais naman niyang ituon ang pansin sa sarili at sa mga personal niyang pangarap. Aniya, gusto muna niyang maranasan ang panahong wala siyang malaking responsibilidad bukod sa kanyang sarili.
Gayunman, nilinaw ng aktres na bukas pa rin siya sa posibilidad na magbago ang kanyang pananaw tungkol sa pagiging ina sa hinaharap. Dagdag pa niya, kung sakaling mabuntis siya, pananagutan niya nang buong puso ang pagiging magulang.
Ibinahagi rin ni Nadine na nais magkaroon ng anak ang kanyang boyfriend na si Christophe Bariou. Gayunpaman, mas nais muna niyang maabot ang kanyang mga personal na layunin habang patuloy niyang sinusuportahan ang kanyang pamilya.