Advertisers
NASAWI ang 47-anyos na barangay secretary nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang naglalakad papasok sa trabaho sa Angono, Rizal, Biyernes ng umaga, Hulyo 17.
Kinilala ang biktimang si Freddie Cañeva, kalihim ng Barangay San Vicente, Angono, na bagaman naisugod pa sa pagamutan at naoperahan ay binawian din ng buhay Linggo ng hapon dahil sa tinamong dalawang tama ng bala sa tagiliran.
Batay sa imbestigasyon, tinatahak ni Cañeva ang Doña Nieves Street nang harangan ito at pagbabarilin ng lalaking nakaabang sa lugar. Ilang metro nalang ang layo ng biktima paliko sa eskinita patungong barangay hall nang mangyari ang krimen.
Blangko pa ang pamilya sa dahilan ng pamamaril dahil kilala ang biktima bilang isang maaasahan, mapagmalasakit, at matulunging kawani ng barangay.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ariel Azurin, hepe ng Angono Police, tukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga nakatakas na salarin.
Sa ikinasa aniya nilang follow-up operation, natunton ang bahay ng mga salarin sa Cainta, Rizal kungsaan narekober ang ginamit na motorsiklo. Patuloy pa ang hot pursuit operation sa mga sa-larin at pagtukoy sa motibo ng pagpatay.