Advertisers

Advertisers

NBI MAY ‘PERSONS OF INTEREST’ NA SA PLOT KAY PRES. MARCOS!

0 8

Advertisers

KINUMPIRMA ni National Bureau of Investigation (NBI) Director, Atty. Melvin Matibag, sa Senate Impeachment Court nitong Martes na mayroon nang natukoy na persons of interest at patuloy na sinusundan ng ahensya ang mga lead sa nagpapatuloy nitong imbestigasyon kaugnay ng pagbabanta ni Vice President Sara Z. Duterte.

Gayunman, tumanggi si Matibag na pangalanan ang mga ito sa publiko dahil maaari aniyang makompromiso ang imbestigasyon, malagay sa panganib ang kanilang mga impormante at mabunyag ang mga kumpidensyal na ulat ng intelligence.

“Sa ngayon po, ang aming investigation at ang task force is a continuing and active investigation of the threat to the President. Mayroon po tayong mga leads na sinusundan at, katunayan, we already have established persons of interest na maaaring makapagturo o tumukoy doon sa taong kinausap ng ating Vice President, o maaaring isa rito sa tinatawag nating persons of interest ang siyang talagang nakausap ng Vice President,” pahayag ni Matibag sa kanyang testimonya.

Layunin ng imbestigasyon na matukoy ang sinasabing taong kinausap ni Duterte kaugnay ng planong pagpatay kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Hindi sinabi ni Matibag kung ilan na ang natukoy na persons of interest. Nilinaw niya na ang pagtukoy sa kanila ay hindi nangangahulugang sila na ang tiyak na nakausap ng Bise Presidente.

“Ano po ang ibig sabihin nito? Ang mga taong ito ay maaaring magbigay-linaw o makapagturo sa pagkakakilanlan ng taong kinausap, o sa naging pangyayari ng pag-uusap, o maaari ring sila mismo ang naroon o sila mismo ang nakausap, kaya sila tinatawag na persons of interest,” paliwanag niya.

“Nguni’t hindi po ito nangangahulugang sila na mismo ang kinausap, gaya ng aking sinabi,” dagdag pa niya.

Ayon kay Matibag, malinaw na nakapaloob sa mandato ng special task force ng NBI ang pagtukoy sa sinasabing taong kinausap ni Duterte.

“Malinaw po ang mandato ng special task force. At ang mandato po nito ay patuloy na bantayan ang seguridad ng ating Pangulo. Hindi lamang po para bantayan ang seguridad ng Pangulo kundi hanapin at ma-identify kung sino ang kinausap ng Vice President para papatayin ang ating Pangulo,” aniya.

Ibinunyag din ng NBI chief na na-monitor ng Cybercrime Division ng ahensya ang mga komento at video sa social media na may mga pahayag tungkol sa pamamaril sa Pangulo at pagbaril sa ulo nito. Aniya, nakadagdag ang mga ito sa pangamba ng NBI para sa seguridad ng Pangulo at ng bansa.

Nang tanungin kung bakit hindi maaaring pangalanan ang mga person of interest, sinabi ni Matibag na kailangang mapangalagaan ang integridad ng nagpapatuloy na imbestigasyon.

“Kapag ang ganitong bagay na isang bukas at nagpapatuloy na imbestigasyon ay isinapubliko, ang unang mangyayari ay makokompromiso ang ating imbestigasyon,” ani Matibag.

Dagdag pa niya, maaari ring malagay sa panganib ang kanilang mga impormante at humina ang kakayahan ng NBI na magsagawa ng matagumpay na operasyon.

“Mailalagay po sa alanganin ang ating mga tinatawag na informants o assets na nasa ground na nagbibigay sa atin ng human intelligence,” aniya.

“Kahit dumating ang punto na matukoy na natin kung sino ang kinausap, may karapatan pa rin kaming protektahan ang aming mga impormante, sapagkat ang pinangangalagaan din namin dito ay ang institusyon ng NBI,” dagdag pa niya.

Samantala, nang tanungin ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro kung anong batas ang nilabag ni Duterte kaugnay ng banta, kinatigan ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang pagtutol ng depensa. Ayon kay Escudero, humihingi ang tanong ng legal na konklusyon habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon. Dahil dito, tinapos na ni Luistro ang kanyang direktang pagtatanong.

Bago bumaba sa witness stand, ipinakita ni Matibag sa impeachment court ang mga dokumentong aniya’y binubuo ng mga ulat ng task force, minutes ng mga pulong, at iba pang internal reports. Kinumpirma niyang nakapaloob sa mga dokumentong ito ang impormasyon tungkol sa mga person of interest.

“Nandito po sa akin ang mga report ng task force na naka-tag bilang confidential, kaya ipagpaumanhin po ninyo na hindi ko po ito maaaring ibahagi sa publiko,” pagtatapos ni Matibag.