Advertisers
Suportado ng United Senior Citizens Partylist, sa pamumuno ni Congresswoman Milagros Aquino-Magsaysay, ang Ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong nakaraang Hulyo 27, 2026.
Ayon kay Rep. Magsaysay, ang overarching message ng Pangulo—na nakatuon sa pagpapabilis ng mga reporma at pagpapadama ng tunay na pag-unlad sa bawat tahanang Pilipino—ay isang patunay ng isang pamahalaang may malasakit at malinaw na pananaw para sa bansa.
“Kitang-kita natin sa nakaraang SONA ang tapang at linaw ng pamamahala ng ating Pangulong Marcos. Ang kanyang mensahe na ibuhos ang lahat ng lakas at pondo ng pamahalaan para sa kapakanan ng karaniwang mamamayan ay nagbibigay ng malaking pag-asa sa ating lipunan, lalo na sa ating mga nakatatanda,” pahayag ni Rep. Magsaysay.
Binigyang-diin ng kinatawan ng senior citizens ang ilang pangunahing puntos sa SONA na nagbigay-sigla sa sektor ng mga nakatatanda.
“Ang pagpapalakas ng Universal Health Care at Serbisyong Pangkalusugan, na patuloy na nagpapadala ng medical vans at pagpapalawak ng libreng gamot at checkup sa mga komunidad ay direktang sumasagip sa buhay ng ating mga lolo at lola na madalas ay walang kakayahang bumili ng maintenance medicines. Malaking kaginhawaan ito sa aming mga senior citizens.”, ani ni Rep. Magsaysay.
Dagdag pa niya, “Ang matatag na panindigan ng Pangulo laban sa anomalya at korapsyon ay nagbibigay ng katiyakan na ang bawat pisong pondo ng bayan ay makakarating sa mga kapus-palad na sektor, at kabilang rito ang ating mga senior citizens na wala nang kakayahanag kumita.“
Kasabay ng pakikiisa at pagsuporta sa mga adhikaing ito, bitbit ni Rep. Magsaysay ang boses at damdamin ng humigit-kumulang 12 milyong senior citizens sa buong bansa.
“Ang pagtutok ng Pangulo sa seguridad sa pagkain at pagpapababa ng inflation ay isang malaking ginhawa sa mga senior citizen na may limitadong fixed income o allowance lamang. Ngunit ang realidad ay marami sa 12 Milyong nakatatanda ngayon ay walang income o allowance.”
Sa isang emosyonal at taos-pusong panawagan, umapela ang kongresista sa Pangulong Marcos na ibigay ang pinal na pagpapatibay sa Universal Social Pension Act.
“Minamahal naming Pangulong Bong Bong, kami po ay nalulungkot na hindi po napasama sa inyong mga prayoridad sa SONA ang Universal Social Pension, ngunit hindi po kami nawawalan ng pag-asa na inyo ring didinggin ang aming mga hinaing. Habang inyong itinutulak ang ‘Bagong Pilipinas,’ may 12 milyong lolo at lola ang nakatingin at umaasa sa inyong maalab na puso. Marami sa kanila ang maysakit, nag-iisa, at wala nang kakayahang magtrabaho. Ang Universal Social Pension ay hindi lamang simpleng tulong-pampinansyal—ito ay pormal na pagkilala, pagbibigay dignidad, at pasasalamat ng bansa sa mga pambansang bayani ng ating mga tahanan na nag-alay ng kanilang kabataan para sa Pilipinas” giit ni Rep. Magsaysay.
“Mahal na Pangulo, hiling po ng ating mga nakatatanda ngayong 2026: huwag po natin silang iwanan sa huling yugto ng kanilang buhay. Ang inyong suporta sa Universal Social Pension ang magiging pinakadakilang pamana ng inyong administrasyon para sa sektor na nagmahal at naglingkod nang tapat sa ating bayan. Kaya naman po, nakikiusap, naglalambing, at umaasa pa rin po kaming mga matatandang Pilipino sa inyong pagkalinga.”, pagtatapos ni Rep. Magsaysay.
Tiniyak ng United Senior Citizens Partylist na mananatili silang katuwang ng administrasyong Marcos sa Kongreso upang isulong ang mga lehislasyong mag-aangat sa antas ng pamumuhay ng bawat senior citizen at ng buong pamilyang Pilipino. (Cesar Barquilla)