Advertisers
KINUMPIRMA ni Labor Acting Secretary Francis Tolentino na pansamantalang hindi muna maipapatupad ang P85 minimum wage hike sa Metro Manila kasunod ng utos ng korte.
Ito ay matapos maglabas ang Pasig Regional Trial Court (RTC) ng isang status quo ante order noong Hulyo 24, isang araw bago ang itinakdang implementasyon.
Sa dalawang pahinang kautusan, bahagyang pinagbigyan ni Pasig RTC Executive Judge Achilles Bulauitan ang petisyon na inihain ng Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc.
Dahil sa kautusan, iiral pa rin ang dating minimum wage rate habang dinidinig ng korte ang Wage Order No. NCR-26 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa National Capital Region.
Ayon kay Secretary Tolentino, malungkot man ang desisyon ay igagalang at susunod ang kagawaran sa utos ng korte.
Matatandaang inaprubahan ng RTWPB-NCR ang P85 na umento sa minimum wage para sa mga manggagawa sa Metro Manila, na nakatakdang magtaas ng arawang sahod ng mga non-agriculture workers mula P645 tungo sa P730.
Samantala, inaaasahang magkakaroon pa ng mga susunod na pagdinig kaugnay sa pagpapatupad ng wage order.