Senador Villar, isinusulong ang agarang pag-alis ng “hindi makatarungang” VAT sa system loss upang mapababa ang singil sa kuryente
Advertisers
Pasay City — Isinusulong ni Senator Mark A. Villar ang agarang pagtanggal ng 12-percent Value-Added Tax (VAT) na ipinapataw sa system loss charges sa singil sa kuryente, isang aspeto na hindi dapat buwisan ang mga consumer para sa kuryenteng hindi naman nila aktuwal na nagamit.
Kaugnay dito ay inihain ni Senador Villar ang Senate Bill No. 2392 na naglalayong gawing VAT-exempt ang system loss component na sinisingil ng mga distribution utility at electric cooperative sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Section 109 ng National Internal Revenue Code. Saklaw ng panukala ang mga pinahihintulutang technical at non-technical system losses na maaaring singilin sa consumers alinsunod sa mga patakaran ng Energy Regulatory Commission (ERC) at sa Electric Power Industry Reform Act of 2001.
“Simple lang ang prinsipyo natin: kung hindi naman nakonsumo ng consumer ang kuryente, hindi siya dapat singilin ng buwis para rito. Mataas na nga ang binabayaran ng ating mga kababayan sa kuryente, may system loss pa na hindi naman nila kasalanan. Kaya dapat nating alisin agad ang mga dagdag na singil na maaari namang bawasan,” ani Villar.
Ang system loss ay tumutukoy sa kuryenteng nawawala bago pa ito makarating sa mga consumer. Kabilang dito ang technical losses na nangyayari habang dumadaloy ang kuryente sa distribution system, gayundin ang non-technical losses na maaaring dulot ng pagnanakaw ng kuryente, maling pagsukat ng metro, unmetered consumption, at human error. Sa kasalukuyan, maaaring ipasa sa consumers ang pinahihintulutang system losses, na karaniwang bumubuo ng humigit-kumulang lima hanggang anim na porsiyento ng kanilang electric bill.
Dumarating ang panukala kasabay ng mga hakbang upang mapababa ang presyo ng kuryente sa bansa. Inirekomenda rin ng ERC ang pagtanggal ng VAT sa system loss charges, dahil ang buwis ay dapat nakabatay sa kuryenteng aktuwal na nakonsumo ng customer at hindi sa kuryenteng nawala sa distribution system.
Ayon kay Villar, napapanahon ang panukala dahil patuloy na nahaharap ang mga pamilyang Pilipino sa mataas na singil sa kuryente. Binigyang-diin din niya na ang Pilipinas ang may pinakamataas na presyo ng kuryente sa ASEAN at nananatiling kabilang sa pinakamataas sa Asya.
“Hindi makatarungan na ang consumer na nga ang sumasagot sa system loss, papatawan pa ito ng VAT. Dapat maging mas patas ang singil sa kuryente at tiyakin nating hangga’t maaari, ang bawat pisong binabayaran ng pamilyang Pilipino ay para sa kuryente at serbisyong aktuwal nilang natatanggap,” diin ni Villar.
Dagdag ng senador, kahit maliit na bawas sa buwanang electric bill ay maaaring maging malaking tulong kapag pinagsama-sama ang matitipid ng milyun-milyong consumer, lalo na ng mga pamilyang mababa at katamtaman ang kita na patuloy na nahihirapan sa araw-araw na gastusin.
“Sa bawat bawas sa singil sa kuryente, may dagdag na puwedeng ilaan ang pamilya para sa pagkain, pamasahe, gamot, at edukasyon. Praktikal at direktang tulong ito na mararamdaman mismo ng ating mga consumer sa kanilang buwanang bayarin,” pagtatapos ni Villar.