Advertisers
Binigyang-diin ni House Speaker at Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy III ang malaking positibong epekto sa edukasyon ng House Bill No. 9532 o ang panukalang “Universal Access to Digital Academic Learning Resources Act,” matapos itong maipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.
Kapag naging batas, bibigyan ng panukala ang mga estudyante sa pampubliko at pribadong higher education institutions (HEIs) ng libreng access sa digital textbooks at iba pang akademikong materyales, gayundin ng libreng high-speed Wi-Fi sa kanilang mga kampus.
“Ngayon, ang estudyanteng walang pambili ng libro o walang maaasahang internet ay agad nang dehado. Isipin natin ang isang estudyante na kailangang mamili kung bibili ng libro at magpapaload para makapag-research, o gagamitin ang pera para sa pamasahe at pagkain,” ani Dy.
“Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, hindi na kailangang gawin ng ating mga kabataan ang masakit na pagpiling ito,” dagdag ng Speaker.
Libreng digital learning materials
Sa ilalim ng HB 9532, na ipinasa noong Miyerkules sa botong 202 pabor, zero tutol at zero abstention, itatatag ang National Academic Content Repository (NACR) sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED), katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga higher education institutions.
Magbibigay ito ng libreng online access sa mga estudyante at guro sa buong bansa sa digital textbooks, lecture videos, syllabi, research papers at open educational resources mula sa iba’t ibang disiplina.
Inaatasan din ng panukala ang pagkakaroon ng libreng high-speed Wi-Fi sa buong campus para sa mga naka-enroll na estudyante at faculty sa pampubliko at pribadong HEIs.
Sa unang yugto ng pagpapatupad, bibigyang-priyoridad ang mga kampus sa mga rural at kulang sa resources.
Dapat ding maging ligtas ang internet service at idinisenyo upang suportahan ang access sa NACR at iba pang serbisyong akademiko.
Access sa teknolohiya, susi sa edukasyon
Ayon kay Dy, kinikilala ng Kamara na ang access sa edukasyon sa kasalukuyan ay nangangahulugan na rin ng access sa teknolohiya.
“Hindi na puwedeng ang kalidad ng pag-aaral ng isang estudyante ay nakadepende sa kung kaya niyang bumili ng mamahaling libro o kung may sapat siyang pera para sa Internet,” ani Dy.
Suportado rin ng panukala ang paglikha ng mga akademikong materyal na gawa sa Filipino sa pamamagitan ng mga grant para sa localized at open educational resources.
Inaatasan din ang CHED na makipagtulungan sa mga lokal at internasyonal na publisher upang makakuha ng mas abot-kayang presyo o open-access na mga materyal.
Hihikayatin naman ang mga guro na bumuo at magbahagi ng kanilang mga learning materials, kapalit ng pagkilala at insentibo para sa mga materyal na gagamitin sa buong bansa.
Sinabi ni Dy na hindi lamang mga estudyante ang makikinabang dito kundi pati ang mga guro at paaralan dahil mapapalawak ang kanilang access sa mga de-kalidad na learning resources.
“When a student in a rural campus can access the same quality academic materials available to a student in a major university, we begin to close the gap,” ani Dy.
“Kapag nakalikha at nakapagbahagi ang ating mga guro ng mga materyales sa pagkatuto na nasa Filipino at magagamit sa buong bansa, napapalakas natin ang buong sistema ng higher education,” dagdag niya.
Binigyang-diin pa ng Speaker na mahalaga ang pagpapalawak ng digital access habang lalong nagiging bahagi ng pag-aaral, pananaliksik at paghahanapbuhay ang teknolohiya.
“Ang mga kabataang Pilipino ay naghahanda para sa mundong hindi na opsyonal ang digital skills. Kailangan nating tiyakin na ang kakulangan sa pera, connectivity o access sa learning materials ay hindi magiging hadlang sa isang may kakayahang Pilipinong estudyante upang maabot ang kanyang buong potensiyal,” ani Dy.(Henry Padilla)