Advertisers

Advertisers

GRUPO NG LPG INDUSTRY SA PILIPINAS, NAGSANIB-PWERSA PARA TUTULAN ANG PAG-APRUBA NG LPG CYLINDER SWAPPING CENTER OPERATIONAL GUIDELINES

0 9

Advertisers

Nagsanib-pwersa na ang ilang grupo ng LPG Industries sa Pilipinas, kabilang ang National LPG Alliance of the Philippines, Inc. o NLAP, Pryce Gases, Inc. o PGI, at Independent LPG Dealers Association of the Philippines o ILDAP, para mariing tutulan ang pag-apruba ng LPG Cylinder Swapping Center Operational Guidelines.

Batay sa Joint Position Paper na isinumite sa Department of Energy o DOE, na ipinadala rin sa Department of Trade and Industry o DTI nitong August 25, 2026, sinabi ng nasabing grupo na walang sapat na legal na batayan ang nasabing guidelines.

Ayon sa kanila, hanggang ngayon ay wala pang nabubuo at nailalathalang programa para sa : LPG Cylinder Exchange and Swapping Program at LPG Cylinder Improvement Program. Ang pagbuo ng programa para dito ay nakasaad sa ilalim ng Sections 31 at 32 ng Republic Act No. 11592.

Dapat anila, kasama sa dalawang programa ang mga procedures, timelines para sa exchange, swapping at buyback ngLPG cylinders; mekanismo sa accredited LPG cylinder swapping centers; at pagbuo, funding, utilization, access at audit procedures para sa LPG Cylinder Improvement Program Fund.

Iginiit din ng mga grupo na kinakailangang bumuo at maglathala ang DOE, kasama ang DTI, ng programa para dito, at dapat naikonsulta rin sa mga sa industriya ng LPG, consumer groups at iba pang pampubliko at pribadong stakeholders.

Gayunman, sinabi nilang wala pang partikular na konsultasyon na isinagawa para sa pagbuo ng dalawang programang ito na kinabibilangan ng lahat ng kalahok sa industriya, consumer groups at iba pang kinauukulang stakeholder kabilang na rito ang : Philippine Competition Commission, DTI Consumer Protection and Advocacy Bureau, Department of the Interior and Local Government, local government units at Bureau of Fire Protection.

Ayon sa NLAP, PGI at ILDAP, hindi pa natutupad ang mga nasabing kailangan para rito.

Sinabi naman ni NLAP President Jojo Cruz, na dapat sundin ang itinatakda ng batas upang matiyak na malinaw at magkakatugma muna ang lahat ng detalye, para sa kapakanan hindi lamang ng industriya ng LPG kundi maging ng mga end-consumesr.

Kinuwestiyon din ng mga grupo ang National Program Policy Task Force o NPPTF at Regional Program Implementation Task Force o RPITF.

Ayon sa kanila, pinahihintulutan lamang ng Sections 31 at 32 ng RA 11592 ang task force na tumulong sa pagpapatupad ng mga programa at hindi upang magsilbing policy-making body.

Dahil dito, nanawagan sila para sa agarang pagbuwag sa NPPTF at RPITF at hinimok ang DOE at DTI na mahigpit na sundin ang mga kinakailangan ng RA 11592.

Binigyang-diin din ng mga grupo na malinaw na nakasaad sa Sections 31 at 32 ng RA 11592 na dapat maging pangunahing prayoridad ang safety ng LPG cylinder para sa proteksiyon ng lahat ng end-consumer.

Iginiit nilang ang pagbuo at pagpapatupad ng mga programa ay usapin ng pampublikong interes at layunin, kaya hindi ito dapat baguhin para lamang pagbigyan ang interes ng isang indibidwal o organisasyon.

Sinabi rin ng mga grupo na mapanlinlang ang pahayag na matagal nang dapat ipatupad ang LPG Cylinder Swapping Guidelines mula 2022 hanggang 2026, dahil hindi pa naman maayos na nabubuo at nailalathala o napa publish ang mismong mga programang ipinag-uutos ng batas.

Ayon kay NLAP President Cruz, “Hangga’t wala pang nailalathala at nabubuong LPG Cylinder Exchange and Swapping Program at LPG Cylinder Improvement Program, hindi dapat aprubahan ang LPG Cylinder Swapping Center Operational Guidelines.”