Advertisers

Advertisers

Gumuhong dike sa Montalban patuloy ang pagsasaayos ng DPWH Rizal 2nd DEO

0 10

Advertisers

Matapos na isagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Rizal 2nd District Engineering Office ang masusing pag-aaral kasabay ng pag-inspeksiyon sa gumuhong bahagi ng flood control dike, River Side sa Bayan ng Montalban Rizal kaugnay sa walang hintong pagulan dulot ng Habagat ay natunton ang sanhi ng pagguho.

Ayon kay District Engineer Juan Panganiban, itinayo pa noong 2015 ang naturang proyekto at pinaniniwalaang hindi na kinaya ng ilang bahagi nito ang matinding bugso at lakas ng tubig baha kaya ito bumigay.

Nabatid na ang gumuhong flood control system ay ginawa taong 2015 na pinondohan at dinisenyuhan ng Local Government Unit ng Montalban kung saan napagalaman na pawang “Stone Masonry” ang inilagay kung kaya’t sa tagal ng panahon ay gumuho ito ng rumagasa ang baha.

Inatasan ni DE Panganiban ang Planning and Design Section sa pamumuno ni Engr. Angie Lapitan para siguruhing tama ang disenyo at tibay ng gagawing pagkukumpuni sa nasirang flood control system.

Sa kasalukuyan ay abala at sinasamantala ang ganda ng panahon ng mga tauhan ng Construction Section ng Rizal 2nd DEO sa pangunguna ni Engr. Benjie Amansec sa pagbabaon ng mga steel sheet file sa lugar upang siguruhin ang tibay ng proyekto.

Dahil sa tuloy tuloy na pagsasagawa ng pagkumpuni sa nasirang dike ay paulit ulit na inaanunsiyo ni D.E Panganiban ang ibayong pag-iingat, habang muling naglagay ang nasabing tanggapan ng pansamantalang harang upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at residente na dumaraan sa lugar matapos anurin ang naunang harang na inilagay.

Nabatid na nakapaghain na ang Rizal 2nd DEO ng karagdagang pondo para sa gagamiting rehabilitasyon at pagkukumpuni ng nasirang dike.

Samantala, kaugnay naman ng gumuguhong bahagi ng Manila East Road sa Sitio Malihim, Barangay Halayhayin sa Pililla, Rizal, isinagawa na umano ang bidding para sa pagpapalit ng culvert sa ilalim ng kalsada.

Ayon kay Engr. Catherine Tamayo, hepe ng Maintenance Division ng Rizal 2nd DEO, tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng DPWH sa lokal na pamahalaan ng Pililla upang matugunan ang problema sa lugar.

Kabilang sa mga nakikitang dahilan ng pagguho ng kalsada ang labis na dami ng tubig na hindi na kayang dalhin ng kasalukuyang culvert.

Bilang pangmatagalang solusyon, plano ng DPWH na maglagay ng mas malaking culvert na tatawid sa Manila East Road upang mas maayos na mapadaloy ang tubig at maiwasan ang kaparehong pinsala sa hinaharap. (Cesar Barquilla)