Advertisers
Inilagay ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa mataas na alerto ang mga evacuation center, district welfare offices, ospital at health center sa lungsod nitong Sabado, Agosto 29, habang patuloy na bumubuhos ang malalakas na ulan.
Ayon kay Manila City Social Welfare Officer Jay Dela Fuente, bukas ang lahat ng district welfare offices ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), kabilang ang mga pangunahing evacuation center ng lungsod na pawang naka-activate na.
Iniulat naman ni Manila City DRRM Department Director Arnel Angeles ang pagbaha sa ilang bahagi ng Taft Avenue, kabilang ang mga lugar malapit sa Quirino Avenue, United Nations Avenue, Kalaw at National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni MCDRRMD chief meteorologist Christian Evangelista na dulot ng southwest monsoon o habagat, na sinabayan ng mga thunderstorm, ang malakas na pag-ulan. Nagtala ang mga rain sensor ng malakas hanggang matinding pag-ulan mula alas-5 ng umaga hanggang alas-1 ng hapon.
Ayon kay Evangelista, nananatiling nakataas ang Red Rainfall Warning sa Metro Manila at inaasahang magpapatuloy hanggang alas-5 ng hapon.
Samantala, sinabi ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla na may nakahandang doxycycline capsules sa lahat ng 44 health centers at pitong district hospitals bilang bahagi ng kampanya ng alkalde laban sa leptospirosis.
Inatasan din ng alkalde ang mga health worker at barangay officials na aktibong makipag-ugnayan sa mga komunidad, partikular sa mga residenteng maaaring nalantad sa baha.
Iniulat naman ni Manila Department of Environment and Public Services (DEPS) Director Kenneth Amurao na normal ang operasyon ng garbage collection sa lahat ng distrito at wala pang naitalang dahilan para maantala ito.
Ayon kay Manila City Engineer Armand Andres, nagpapatuloy rin ang regular na clearing at declogging operations sa lungsod.
Lahat ng 896 barangay sa Maynila ay nakikilahok din sa lingguhang declogging operations bilang pagsunod sa Executive Order No. 3 ng alkalde, na nag-uutos ng paglilinis at declogging tuwing Sabado.(BP)