Advertisers
KINAGIGILIWAN nga-yon sa social media ang mga larawan ng Pinoy couple na hindi nagpatalo at itinuloy ang kanilang kasal sa kabila ng mataas na tubig-baha sa loob ng simbahan sa Hagonoy, Bulacan.
Makikita sa mga larawan mula sa kasal nina Mr. at Mrs. Chico nitong Setyembre 1 na halos hanggang baywang na ang tubig-baha sa loob ng St. John the Baptist Parish habang isinasagawa ang kanilang seremonya.
Sa kabila ng sitwasyon, nagpatuloy ang seremonya at naisakatuparan nila ang kanilang pangarap na makapagpalitan ng sumpaan sa harap ng altar.
Ayon sa pamunuan ng parokya, pinayuhan nila ang mag-asawa na ipagpaliban muna ang kasal dahil sa kondisyon ng lugar. Gayunman, dahil sa ilang personal na dahilan, nagpasya ang dalawa na ituloy parin ang kanilang kasal.
Dagdag nito, ipinaayos ng bride ang kanyang gown at pinaikli ito para hindi maging sagabal sa kanyang “water aisle”.
Gumamit na lamang din ng portable speaker ang simbahan dahil wala naring kuryente para sa sound system.
“Isang eksenang parang sa pelikula mo lang masasaksihan, hindi alintana ang mga balakid at mga pagsubok, hahamakin ang lahat para sa pagmamahal, susuungin ang baha maitawid lamang ang pangako na ang dalawang pusong umiibig, sa harap ng altar dudulog at magiging opisyal na Mr. & Mrs!”, saad ng St. John the Baptist Parish sa kanilang post.