Advertisers
Sinimulan na sa Maynila nitong Lunes, Oktubre 5, ang pinahusay na No Contact Apprehension Program (NCAP 2.0), kung saan nagbabala si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa mga abusadong motorista, kabilang ang mga kawani ng gobyerno, na wala na silang dahilan upang makalusot sa mga paglabag sa batas-trapiko.
“Ang mga abusado sa kalsada, wala nang excuse dahil ngayong araw ay sinisimulan na pong ipatupad ang non-contact apprehension,” ani Domagoso sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall.
Ayon kay Domagoso, unang ipinatupad ang programa noong una niyang termino bilang alkalde, kung saan daan-daang libong motorista ang nahuli dahil sa mga paglabag sa batas-trapiko.
“Itong non-contact apprehension, kung maaalala ninyo noong first time kong maging alkalde, in-implement ko ito at maraming nahuli, by the hundreds of thousands,” ani Domagoso.
“So, anong ibig sabihin? Talagang walang disiplina ang ilan nating mga kababayan sa pagmamaneho. You cannot argue with technology. We may argue with our enforcers, but with technology, huli. Sa huli, walang lusot,” diin ng alkalde.
Gumagamit ang NCAP 2.0 ng mga upgraded high-resolution camera na kumukuha ng mas malinaw na larawan ng mga paglabag sa batas-trapiko.
Gayunman, hindi awtomatikong nangangahulugan na may paglabag ang bawat nakuhang larawan ng kamera. Kailangang suriin at i-validate muna ng mga awtorisadong NCAP personnel ng pamahalaang lungsod ang bawat insidente bago maglabas ng Notice of Violation.
Ang mga multa at kaukulang parusa ay ibabatay sa Metro Manila Traffic Code of 2023 upang maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad ng mga panuntunan.
Maaaring maghain online ng protesta ang mga motorista na kumukuwestiyon sa kanilang violation sa pamamagitan ng NCAP portal. Maaari ring bayaran online o personal ang mga napatunayang multa sa local government unit kung saan naganap ang paglabag.
“Kaya pinapaalalahanan ko na kayo, lalo na tayong mga nasa gobyerno, na sa Maynila ngayon ay ipinatutupad ang non-contact apprehension,” ani Domagoso.
“Huwag na huwag ninyong tatalikuran ang notice na darating sa inyong bahay dahil hindi niyo na ho matatakbuhan iyan at iyan ay mag-a-accumulate lang ng penalty,” babala niya.
Sinabi ng alkalde na ang hindi pagpansin sa notice ay maaaring magresulta sa patuloy na pagdami ng multa. Gayunman, binigyang-diin niya na pantay ang pagpapatupad ng sistema sa lahat ng motorista.
“Pero ang maganda rito, protektado ang mahihirap, protektado ang middle class, at protektado ang mayaman sapagkat dito sa non-contact, lahat pantay-pantay. Wala nang siga, walang malapit sa kusina. Kapag ika’y lumabag, todas, penalty ka, nganga,” dagdag niya.
Ayon kay Domagoso, binabawasan din ng NCAP ang posibilidad na makiusap o makipag-areglo ang motorista sa traffic enforcer upang makaiwas sa multa.
“Kaya’t mag-ingat sa pagmamaneho dahil unti-unti nating makakamit ang certainty o kasiguruhan sa pagpapatupad ng ating mga alituntunin. Wala na kayong mapapakiusapan o maaareglo na enforcer. At the same time, ang mga enforcer, most likely kung sino man sila, kung mayroon pa, wala nang mapapatungan, so magtitino at magtitino,” ani Domagoso.
“Pero uulitin ko, ang non-contact apprehension ay applicable sa lahat ng tao, anuman ang katayuan nito. Kaya tayong mga nasa pamahalaan ay maging ehemplo nawa ng pagsunod sa mga batas-trapiko,” dagdag ng alkalde.(BP)