Advertisers

Advertisers

Sen. Lacson, nakuryente nga ba?

0 49

Advertisers

Kuryente – sa nakararami, ang salitang ito ay patungkol pagbibigay ng ilaw sa isa/milyong ng bahay mula sa ibat-ibang electric companies.

Pero hindi ito ang ating pinag-uusapan ngayon ay ang ibang kahulugan – pagtanggap ng impormasyong lumalabas na kulang, o sadyang may kamalian. Nakuryente ang tawag dito.

Sa mga mamahayag, isang kahihiyan at nakasisira ng kredibilidad kapag ikaw ay nakuryente – ito iyong kapag inilathala mo na ang isang impormasyon bago nagsagawa ng malalimang beripikasyo. Habang sa larangan ng politika mas matindi ang pinsalang dulot nito.



Ngayon ang katanungan ay nakuryente nga ba si Senator Panfilo Ping Lacson sa ilan niyang expose kaugnay sa ghost projects sa Taguig City? Kayo na ang humusga.

Umpisahan natin sa ganito. Hindi naman lingid sa atin kaalaman na buong sipag na itinayo ni Sen. Lacson ang kanyang reputasyon sa paninindigang hindi siya nagsasalita nang walang patunay. Lamang ang matinding kampanya niya laban sa Taguig ay tila nag-iiwan ng isang nakaiilang na tanong….Hinayaan na ba ng tanyag na imbestigador na mauna ang kanyang akusasyon kaysa sa tunay na patunay?



Nang tumestigo sa Senado si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at tanungin kung may natukoy ang DPWH na “ghost project” sa Taguig mula sa mga proyektong napatunayan nang hindi talaga umiiral. Ang sagot ni Dizon ay “wala”. Nandiyan din ang pahayag ni DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III na may nakatala sa ahensya na 107 proyekto sa Taguig at ang lahat ay may nakadokumentong accomplishments.

Kung susuriin, taliwas ang naging pahayag ng dalawang mataas na opisyal sa akusasyon ni Lacson na naglalarawan sa Taguig bilang pugad ng ghost infrastructure. Kung baga, hindi ito naging pabor sa ibinunyag ng Senador.



Iginiit naman ni Lacson na tila “lumabo” ang memorya ni Sec. Dizon, sabay labas ng mga paunang report at analysis ukol sa mga kahina-hinalang billing photos. Bagamat, kailangang linawin na ang red flag o anomalya ay hindi agad nangangahulugang may sala o awtomatikong ghost project.

Nilinaw rin ni Dizon na ang kanyang pahayag sa Senado ay ukol sa mga napatunayan nang ghost projects sa buong bansa, at walang alinman dito ang nasa Taguig.

Bagamat patuloy ang imbestigasyon sa ilang proyekto, binigyang-diin niyang kailangan muna ng beripikasyon bago maghusga, isang bagay na sinasang-ayunan naman ni Lacson.

Kinuwestiyon din ni Lacson ang isang proyekto sa Taguig na may geotag/coordinate na nakaturo sa Leyte.

Siyempre, nararapat itong imbestigahan, ngunit ang maling geotag ay nagpapakita lamang ng pagkakamali at hindi sapat na patunay na kathang-isip ang buong proyekto o may politikong nagnakaw rito.

Nang sabihin kalaunan ni Lacson na hindi niya pinaninindigang ghost project ang kinuwestiyong proyekto, naging napakalinaw ng hangganan sa pagitan ng nakagugulat na pampublikong akusasyon at ng hindi pa tapos na beripikasyon.

Sa madaling salita, ang malaking panganib ng kuryente ay hindi naman sa dahilang huwad ang bawat pinagmumulan ng alalahanin. Ang panganib ay kapag ang paunang impormasyon ay ginagawang conclusion bago pa man ito suportahan ng sapat na ebidensya.

Ang nangyayari tuloy, ang hinala ay nagiging akusasyon at ang akusasyon ay nagiging malaking balita sa pahayagan kung saan ang balita ay nagiging hatol ng pagiging may-sala.

Isa pang kontrobersya sa Taguig ay ang ilegal na reclamation sa Laguna Lake. Isinapubliko ni Lacson ang video footage ng inspeksyon ng iba’t ibang ahensya at inilarawan ang patuloy na gawain doon bilang kawalan ng pakundangan o “impunity,” habang sinasabing “may taong nag-aakalang mataas siya sa batas.”

Tumugon naman ang Taguig gamit ang isang tiyak at paktwal na pagtanggi. Ang lupang ipinakita, ayon sa lungsod ay hindi pagmamay-ari o ginagamit ng Taguig, kundi isang lupang inaangkin ng mga pribadong indibidwal at ng isang neighborhood association. Dagdag pa ang walang inilabas na permit o awtoridad sa mga itinuturong pribadong may-ari.

Hindi maaaring gawing dahilan ang heograpiya para sa pananagutan . Ang isang bagay na nangyayari sa panig ng Taguig sa Laguna Lake ay hindi agad nagpapatunay na ang pamahalaang lungsod ng Taguig ang nag-utos nito.

Ngayon, ang katanungan ay “kuryente” nga ba ang Senador?

Sinabi ni Lacson na napatunayan na ang kanyang kredibilidad at hindi siya gumagawa ng mga pagbubunyag nang walang kumpletong ebidensiya.