Advertisers
TAYTAY, RIZAL — Mariing nanawagan si Acting Punong Barangay Arky Manning sa suspendidong Kapitan na si Vivian Reyes-Yupangco: Isantabi ang pulitika, ibigay ang mga susi, at buksan agad ang mga nakakandadong opisina upang dumaloy ang serbisyo sa mamamayan ng Barangay San Isidro.
Sa ginanap na unang Flag Raising Ceremony sa ilalim ng kanyang pamumuno, sinalubong ng malaking sagabal ang bagong pamunuan — nakasarado at nakakandado ang Treasury Office, Special Projects Office, at mismong Opisina ng Punong Barangay. Dahil dito, hindi naibigay ang honorarium ng mga kawani na maagang pumila at umuwing luhaan at walang natanggap.
Itinuro ng Barangay Secretary na nasa suspendidong Kapitan Reyes-Yupangco ang lahat ng susi — wala siyang maibigay. Nagbitiw na rin sa tungkulin ang Building Administrator, kaya’t lalong walang makapagbukas ng mga pinto.
Sa gitna ng krisis, lumabas na may kakampi ang bagong pamunuan: Taytay Mayor Allan de Leon — nangako ng tulong sa Kalawit at Kalawit News. Nakausap na umano ng Alkalde ang mga opisyal ng Barangay San Isidro at nakatakdang kumonsulta sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamumuno ni Secretary Jonvic Remulla upang matugunan ang isyu.
“Para sa mamamayan ito, hindi para sa iilan,” diin ni Kapitan Manning. “Huwag hayaang magdusa ang San Isidro dahil sa pagtatalo. Ibalik ang mga susi, buksan ang mga opisina — ngayon na.” (Edwin Moreno)