Advertisers

Advertisers

Jinggoy: Walang nakurakot na pondo sa paglilipat ng opisina sa Senado

0 33

Advertisers

MARIING itinanggi ng tanggapan ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada ang mga pahayag at ulat kaugnay ng naging kondisyon ng kanyang dating opisina sa ikaanim na palapag ng Senado matapos itong baklasin bilang bahagi ng paglipat sa bago niyang tanggapan.

Sa isang pahayag, sinabi ng tanggapan ni Estrada na ipinaalam na nila sa Office of Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III, sa pamamagitan ni Chief of Staff Atty. Racquel Mejia, na bago ang itinakdang deadline na Oktubre 5 ay dadalhin sa bagong opisina ang mga fixtures, kagamitan at materyales mula sa dating tanggapan.

Ayon sa tanggapan, karamihan sa mga ito gaya ng floor tiles, glass panels, lighting fixtures at cabinets ay binili gamit ang personal na pera dahil hindi umano sapat ang budget na inilaan ng Senado para sa lahat ng gastusin sa pagsasaayos ng opisina.



Binigyang-diin ng tanggapan ni Estrada na “not a single centavo of public funds was wasted” at walang magiging dagdag na gastos ang Senado dahil gagamitin muli sa bagong tanggapan ang karamihan sa mga kagamitan at materyales.

Ipinaliwanag din na matagal nang umiiral sa Senado ang ganitong sistema kung saan ang senador na gagamit ng isang opisina ay nagsasagawa ng renovation batay sa inilaan na budget, habang ang anumang karagdagang gastos ay siya mismong sumasagot.



Sinabi rin ng tanggapan na naipaliwanag na ang usapin sa resident Commission on Audit (COA) auditor.

Ayon pa kay Estrada, maging ang naturang opisina nang ito ay ipasa sa kanya noong 2022 ay wala ring laman, alinsunod sa parehong matagal nang sistema sa Senado.



Iginiit din ng kanyang tanggapan na may mga nauna nang pagkakataon kung saan inalis din ang fixtures at materyales mula sa mga bakanteng opisina ng mga senador.

Samantala, sinabi rin ng tanggapan ni Estrada na sa nakalipas na apat na taon ay sa ikaanim na palapag lamang nakapuwesto ang kanilang tanggapan at mayroon lamang extension office sa ikalimang palapag, hindi gaya ng ibang senador na may buong office space sa naturang palapag.

Nanawagan ang tanggapan ni Estrada na huwag umanong gawing usaping pulitikal o kontrobersiya ang isang regular na proseso ng administratibong paglipat ng opisina. (Mylene Alfonso)