Advertisers
Kapag kolorum ang pag-uusapan, ano ang unang nasa isipan niyo mga kababayan? Ano pa nga ba kundi ang mga hari ng kalsada – jeep, van maging ng bus. Ngunit ang mga nabanggit nga lang ba ang nagkokolorum? Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pinamumunuan ni Atty. Greg G. Pua Jr., (bilang acting chairman) ay may natuklasan kung saan agad naman tinugunan ito ng ahensya.
So, lumalabas na hindi lang pala mga jeep, van, at bus ang lumilinyang kolorum kung hindi mayroon pang iba.Ganoon na nga!
Batid natin na patuloy ang pag-usbong ng online business o ang e-commerce ngayon kung saan sa takbo ng negosyong ito, natuklasan ng LTFRB na may mga hindi rehistradong truck at van ang bumibiyahe upang magdeliber ng mga kalakal ng mga online shopping platform. In short, wala silang permiso mula sa LTFRB para sa pagbibiyahe ng milyun-milyong pisong halaga ng mga kalakal mula sa online shopping platform. Yes, lumalabas na kolorum din ang mga ito dahil walang kaukulang prangkisa mula sa LTFRB o inspeksyon para sa road worthiness. Sapul kayo kay Atty. Pua!
Pero sa ginawang aksyon ni Atty. Pua, sa ilalim naman superbisyon ni DOTr Secretary Giovanni Z. “Banoy” Lopez, ipinararating ng ahensya na tapos na ang masasayang araw ng mga nagkokolorum na ito.
Oktubre 15, pinaalalahanan ng ahensya na mabigat ang multa at parusa para mga mahuling nagkokolorum – hanggang ?200,000 bawat unit, pag-impound, at posibleng pagkakulong sa ilalim ng Public Service Act).
Simula nang magbabala ang LTFRB, hindi nag-aksaya ng panahon ang ahensya. Makalipas lamang ang dalawang araw agad na naglabas ang LTFRB ng Subpoena Duces Tecum laban sa limang malalaking online shopping at retail platforms: Lazada, Shopee, Zalora, TikTok Shop, at SM Retail Inc.
Ipinag-utos sa mga kumpanya na isumite ang kumpletong listahan ng kanilang mga accredited truck-for-hire partners sa loob ng tatlong araw.
Sa halip na makipaghabulan sa mga truck sa kalsada, pinuntirya agad ng ahensya ang pinagmumulan ng demand kung saan ito ay isang mabilis at matalinong estratehiya. Sa estilong ito, kapag isinarado ng mga online platforms ang kanilang linya sa mga ilegal na operator, kusa silang mawawalan ng negosyo.
Ang hakbanging ito ng ahensya ay bilang proteksyon sa mga lehitimong transport operator na matinong nagbabayad ng buwis, kumukuha ng Certificate of Public Convenience (CPC), at sumusunod sa regulasyon.
Bukod dito, tiniyak din na ang mga commercial vehicle ay dumaan sa masusing inspeksyon upang makaiwas sa mga aksidente sa lansangan.
Pinaalalahanan din ng LTFRB ang mga higanteng e-commerce na mayroon din silang legal at moral na obligasyon na tiyaking rehistrado ang kanilang mga logistics partner.
Sa mabilis na aksyon ng LTFRB – pagpapadala agad ng subpoena sa mga malalaking kumpanya, ito ay patunay na nagmamalasakit ang ahensya para sa kaayusan at kaligtasan ng publiko.