Advertisers
Ni Beth Gelena
Hindi bahay ni Kuya kundi paresan, lotto outlet at karinderya ang naging biro ng ilang netizens matapos ilantad ang bagong bahay ng Pinoy Big Brother.
Sa halip na paghanga, samu’t saring reaksiyon ang umani sa bagong disenyo ng house na ipinakita sa publiko. May mga nagsabing kahawig ito ng tindahan ng lotto, kainan ng lechon manok at maging ng isang barangay establishment.
Ang daming naglabasang mga komento ng pang aalipusta sa hitsura ng Bahay ni Kuya.
May nagbiro pa kung magkano ang isang order ng pares sa naturang lugar, habang ang iba naman ay nagtanong kung karinderya ba ang bagong BK.
***
Hindi rin nakaligtas sa puna ang kombinasyon ng mga kulay nito. Para sa ilang netizens, kahawig umano ng kulay ng logo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pintura, kaya lalo itong napagkamalang lotto outlet.
May nagkomento pa na kulang na lang daw ang karatulang “authorized agent” para tuluyan na itong magmukhang lugar ng tayaan ng lotto.
May ilan ding nagtanong kung bakit hindi na kahawig ng dating bahay ni Kuya ang bagong estruktura. May mga nagbiro na tila bodega o bahagi lamang ng isang gusali ang bagong venue.
Sa kabila ng mga puna sa itsura ng bahay, may netizens namang nag-isip na baka sinadya ang kakaibang disenyo upang makakuha ng atensiyon at makapukaw ng kuryosidad sa publiko.
Samantala, napansin din ng isang netizen ang pahayag ni Karen Davila tungkol sa lokasyon ng bagong PBB house. Ayon sa komentong ibinahagi online, nabanggit umano ni Karen na nasa ikaanim na palapag ang bahay ni Kuya, habang nasa ikalimang palapag naman ang studio ng TV Patrol.