Advertisers
HINDI na maibabalik sa kaban ng gobyerno ang hindi bababa sa P467 bilyong kuwestiyonableng dagdag-pondo sa pambansang budget ng 2024 at 2025 na idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema.
Sinabi ni Supreme Court spokesperson Camille Ting noong Miyerkules, Oktubre 21 mananatiling balido ang pondong nagamit na sa mga programang hindi na maaaring bawiin, basta kumilos nang may mabuting hangarin ang mga benepisyaryo. Saklaw ito ng doctrine of operative fact.
“The court mentioned that for those programs, irreversible programs, where the beneficiaries acted in good faith, under the doctrine of operative fact, they would be considered valid. So … there will be no funds returned in that case,” ani Ting.
Saklaw ng desisyon ang P449.5 bilyong unprogrammed appropriations na idinagdag sa 2024 General Appropriations Act (GAA) at P17.992 bilyong dagdag sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 2025 GAA.
Sa 121-pahinang desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, sinabi ng Korte Suprema na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Kongreso sa pagdaragdag ng unprogrammed appropriations at iba pang special provisions lampas sa halagang iminungkahi ng eheku- tibo.
Klinaro ng korte na hindi awtomatikong labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations, na nagsisilbing pondong maaaring gamitin kapag natugunan ang mga itinakdang kondisyon. Gayunman, dapat itong sumunod sa mga limitasyong konstitusyonal at hindi dapat magbigay ng labis na kapangyarihan sa ehekutibo sa paggastos.
Ayon kay Ting, maaari pa ring habulin sa mga kinauukulang hukuman o tribunal ang posibleng kasong kriminal o administratibo kaugnay ng mga kuwestiyonableng dagdag-pondo. Hindi pa pinal ang desisyon at maaari pang hilingin ng gobyerno na ito ay muling pag-aralan.
Inihayag ni Palace press officer Claire Castro na inatasan ang Office of the Solicitor General na magsumite ng motion for reconsideration sa Korte Suprema.