Advertisers

Advertisers

P175-Milyong Sigarilyong Walang Tax Stamp, Nasabat sa Zambales

0 29

Advertisers

Humigit-kumulang sa 1,600 master cases ng sigarilyong walang BIR tax stamps na nagkakahalaga ng P175 milyon ang nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) sa isang pribadong pantalan at compound sa Palauig, Zambales noong Oktubre 20, 2026.

Sa ulat ng tanggapan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, natagpuan ang mga ito sa loob ng apat na shipping container sa isang operasyon na isinagawa katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Army (PA), at iba pang law enforcement agencies.

Pinangunahan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)–Limay at CIIS–Subic ang operasyon, katuwang ang Enforcement and Security Service (ESS)–Subic at ESS–Limay, Philippine Coast Guard (PCG) Task Force Aduana, PNP Regional Office 3 (PNP-PRO3), at Department of Environment and Natural Resources (DENR). Nagbigay rin ng karagdagang seguridad ang 69th Infantry Battalion ng Philippine Army.



Sa inisyal na inspeksyon, napansin ng mga operatiba ang matapang na amoy ng tabako mula sa apat na container. Nang buksan ang mga ito sa harap ng mga kinatawan ng barangay at PNP–Palauig, natuklasan ang mga sigarilyong may tatak na “Modern” na walang BIR tax stamps. Agad na isinailalim sa seizure ang mga kargamento at kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Customs. Muling sinelyuhan at nilagyan ng mga padlock ang mga container habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at hinihintay ang pagsasagawa ng pinal na imbentaryo.

“Hindi natin hahayaang makalusot ang mga kargamentong hindi nagbabayad ng buwis. Sa tulong ng ating mga katuwang na ahensya, patuloy nating paiigtingin ang pagbabantay upang maprotektahan ang pondong para sa taumbayan at ang kabuhayan ng mga negosyong sumusunod sa batas,” pahayag ni Nepomuceno.



Alinsunod umano ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa smuggling, patuloy na palalakasin ng BOC ang koordinasyon sa mga katuwang na ahensya at pagbabantay sa mga pantalan at imbakan ng kargamento.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang beripikasyon at dokumentasyon kaugnay ng mga nadiskubreng sigarilyo upang maging batayan ng kaukulang aksyon at matukoy ang pananagutan ng mga sangkot, ani Nepomuceno. (JERRY S. TAN)

style="display:block" data-ad-client="ca-pub-7020468026123536" data-ad-slot="5705765747" data-ad-format="auto" data-full-width-responsive="true">