Advertisers
NAHAHARAP sa rekla-mong administratibo at kriminal ang isang pulis ng Pasay City nang ireklamo ng kanyang karelasyon dahil sa umano’y paulit-ulit na pisikal, emosyonal at mental na pang-aabuso.
Kinilala ang complainant sa alyas na “Kara”, na nagsa-bing halos anim na taon silang nagsama ni Staff Sergeant Tyran John Miranda ng Pasay City Police Station.
Sa press briefing sa National Police Commission (NAPOLCOM) Central Office sa Quezon City, sinabi ni Kara na paulit-ulit siyang binubugbog at pinagbabantaan ng pulis.
Nagpakita rin siya ng mga video mula sa home security camera na nagpapakita ng ilang insidente ng pananakit.
Ayon kay Kara, nagsimula ang pang-aabuso Disyembre 2022 kungsaan tinutukan siya ng baril ni Miranda sa loob ng sasakyan.
Sinabi niyang dati na si-yang naghain ng reklamo ngunit hindi niya ito itinuloy sa pag-asang maaayos pa ang kanilang pamilya.
Noong Oktubre 21, naghain siya ng kasong kriminal sa Pasay City kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Sinabi naman ni NAPOLCOM Vice Chairperson/Executive Officer Ralph Calinisan na posibleng pumasok sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer ang mga ipinakitang kilos sa video.
Inatasan niya ang NAPOLCOM Inspection, Monitoring and Investigation Service na bilisan ang imbestigasyon at ihanda ang kaukulang administrative charges.
Ayon kay Calinisan, maaari isailalim sa preventive suspension si Miranda habang dinidinig ang kaso.
Humarap naman sa media si Miranda, inaming nagkamali siya. Nang tanungin tungkol sa paghabol kay Kara na may dalang baril, sinabi niyang “nagpadala” siya sa init ng ulo.
Humingi rin siya ng tawad at sinabing handa niyang harapin ang magiging resulta ng kaso.