Advertisers
KAYA pala nagdagdag ng P20 million reward si Cagayan de oro City Mayor Klarex Uy laban sa puganteng Senador, “Bato” Dela Rosa, ay isa pala ang anak niya sa biktima ng “pekeng” war on drugs ng nakaraang Duterte administration.
Bukod kasi sa itinumba ang anak n’ya noon ay inilagay din siya sa narco-list ni Digong Duterte.
Batid naman natin na ang mga kalaban ni Duterte noon sa politika ay isinasangkot nila sa iligal na droga. Mismo!
“Tabangi ko ninyo nga madakpan si Bato aron makab-ot namo ang hustisya alang sa akong anak nga biktima sa EJK,” panawagan ni Mayor Uy.
Si Bato, PNP Chief noon ni Digong, ang utak ng ‘Oplang Tokhang’ na pinagpapatay ang mga sangkot kuno sa iligal na droga.
Si Bato ay kasalukuyang pinaghahanap ng batas dahil sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) kungsaan co-perpetrator siya ni Digong sa kasong ‘crimes against humanity’.
Magdadalawang taon nang nakakulong at nililitis sa ICC sa The Hague, Netherland si Digong. Malamang doon na magtatapos ang kanyang buhay.
***
ISINIWALAT ni Carlo Rivera, dating tauhan ng tinanggal na DPWH official, Engineer Henry Alcantara, na nakakolekta ang kanyang dating boss ng hindi bababa sa P5 bilyong kickbacks mula sa mga pondong inilaan sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways sa Bulacan mula 2022 hanggang 2025.
Sa kanyang testimonya sa Sandiganbayan noong Martes, Oktubre 27, sinabi ni Rivera na ang pera ay nakalaan para sa ilang mambabatas at opisyal na tinukoy bilang mga “proponent” ng flood control projects.
Sa cross-examination, sinabi ni Rivera na hindi kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez sa mga pangalang nabanggit ni Alcantara sa kanilang mga pag-uusap.
Kabilang sa tinukoy na mga “proponent” sina dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Bong Revilla, at dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Nauna namang sinabi ni Alcantara na tumaas mula 20% hanggang 25% ang mga “commitment” mula sa pondo nang maging Speaker si Romualdez at mamuno si Co sa House appropriations committee.
Sina Alcantara, Bernardo at Bonoan ay mga state witness laban sa flood control anomaly.
Sina Estrada at Romualdez ay kasalukuyang nakakulong, habang si Revilla ay nakapagpiyansa.
Si Co, ang pinaka-boss ng Sunwest Construction, ay nagtatago sa France, kungsaan nag-aaplay daw ito ng asylum.