Advertisers
INILAHAD ni Senate President Vicente Sotto III nitong Lunes ang kanyang pagkabahala hinggil sa “troll farms”, sinabing dapat itong tanggalin ng social media na Facebook hanggang matapos ang eleksyon sa 2022.
“Nakakabahala ‘yun (troll farms) sapagkat pinadudumi nila ang politika sa Pilipinas. ‘Di bale sana kung totoo yung sasabihin ng mga yun e siguradong hindi e,” sabi ni Sotto sa online interview ng reporters.
“Kung walang ginawa kung hindi manira, aba’y siguro shut it down until after the elections. After the elections, maglaro sila kung gusto nila,” dagdag ng Senate President.
Sinabi ni Sotto na may kakayahan ang Facebook na kontrolin ang anumang “troll farms” sa pamamagitan ng kanilang social media platform’s monitoring capabilities.
“Kaya nila yun e, kaya nila. Makikita naman nila e. I have talked to one of the officers of Facebook in the Philippines, sabi nga nila, kaya nilang gawin yun e,” diin ni Sotto.
“Nung araw yung mga duwag tahimik lang pero ito ang lalakas ng loob kasi hindi sila nakikita, nasa likod ng computer,” dagdag niya.
Kamakailan ay ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na may isang undersecretary ang nagsimula nang mag-organisa ng hanggang 2 troll farms sa bawat probinsiya para wasakin ang kritiko ng administrasyon at posibleng mga kalaban sa 2022 elections gamit ang salapi ng taxpayers.
Inaabisuhan ni Sotto, umaming posible siyang tumakbong Bise Presidente kung si Lacson ang running mate na Presidente sa 2022, ang mamamayan na maging vigilant at bantayan ang mga maling impormasyon na kumakalat sa social media.
“Hopefully, ang mga kababayan natin will sift through the rubble so to speak. Sana alam nila kung alin yung paninira lamang at hindi,” sabi niya.