Advertisers
BINATIKOS ng Palasyo ang “timing” ni Sen. Manny Pacquiao sa pagsisiwalat ng alegasyon nito na mayroong kurapsyon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, posibleng absent o kung hindi naman ay pre-occupied ng ibang bagay si Pacquiao noong panahong nagpaliwanag si Health Sec. Francisco Duque III sa Senado kaugnay sa mga ginagastos ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Reaksyon ito ni Roque sa naging pagtanggap ni Sen. Pacquiao sa hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan ang mga ahensya ng gobyerno na sinasabi nitong may katiwalian.
Una rito, inihayag ni Sen. Pacquiao na ang DOH at si Sec. Duque ang pangunahing dapat maimbestigahan sa katiwalian matapos tanggapin ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na isiwalat kung sino ang tinutukoy nitong kurap sa kaniyang administrasyon.
Pero ayon kay Roque, naisalang na sa mainit na pagtatanong noon ng mga senador si Sec. Duque kaugnay sa isyung ito pero wala namang kasong isinampa laban dito pagkatapos makapagpaliwanag sa Senado.
Iginiit ni Roque na wala rin namang tanong na ibinato noon kay Sec. Duque si Sen. Pacquiao.
Dahil dito, inihayag ni Roque na nakikita niyang pulitika ang magiging katapusan ng mga sinasabi at posisyon ngayon ni Sen. Pacquiao.