Advertisers
PLANO ni Senador Manny Pacquiao na ibunyag ang mga katiwalian sa gobyerno na aniya’y umabot na sa itaas bago ito lumipad sa Estados Unidos para sa kanyang matinding training para sa kanyang nakatakdang laban kay WBC at IBF welterweight champion Errol Spence sa Agosto, sabi ni Senador Panfilo Lacson nitong Biyernes.
Sinabi ni Lacson na nakausap nila ni Senate President Vicente Sotto si Pacquiao noong Huwebes. Pinag-usapan nilang tatlo ang hinggil sa hidwaan sa pagitan ni eight-division world boxing champion na naging politiko at Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sabi niya ‘Alam mo boss, marami akong balak.’..Mukhang desidido siya. Sabi niya nga ‘Talagang kumpleto ako, hindi ako magsasalita ng wala’,” sabi ni Lacson sa interview ng Teleradyo.
“At sabi niya, abot daw hanggang itaas yung kanyang hawak,” sabi ni Lacson, pero hindi na anila tinanong pa si Pacquiao para sa mga detalye.
“Sabi niya ‘Bago ako umalis ng Sabado, meron akong ibabahagi sa mga media’,” pahayag pa ni Lacson.
Si Pacquiao ay lilipad patungong Los Angeles ngayong Sabado para sa pinal na pagsasanay para sa laban kontra sa mas bata at mas malaking si Spence sa Agosto 21.
Ayon kay Lacson, inabisuhan niya si Pacquiao na tingnang mabuti ang mga dokumento na ipinadala sa kanya.
“Sabi ko ‘pero medyo tignan mo ring mabuti kung ano yung hinahawakan mo, mahirap na baka mapasukan ka ng fake na ebidensya o dokumento, ang balik niyan sayo matindi’,” paalala niya sa boxing champ.
Nilinaw ni Lacson na si Pacquiao ang humiling na magkita silang tatlo.
“May usapang pulitika rin doon at bilang mga kapwa senador, pinag-uusapan namin ano yung way forward. Maganda naman yung naging usapan,” ani Lacson.
“Pero on the side, yung nag-dominate pa ng pag-uusap, yung kanyang sinasabing mga isyu ng korapsyon. Binanggit niya yung mga ahensya,” sabi ni Lacson.
Ang pagbubunyag ni Pacquiao sa mga katiwalian sa ilang government agencies ay sagot narin sa hamon ni Presidente Duterte sa kanya na ibunyag ang corrupt officials sa ilalim ng kasalukuyang administration. (Mylene Alfonso)