Advertisers
NANGAKO si Senator Christopher “Bong” Go na patuloy niyang bibisitahin ang mga komunidad o iba’t ibang lupalop ng bansa para makinig sa hinaing ng mahihirap o mas nangangailangang sektor ng lipunan upang makapagbigay solusyon sa mga suliranin.
“Opo, pangako ko sa Pilipino ‘yan. Bago pa po ako nakaupo bilang Senador, proclamation pa lang… Pagkatapos ng proclamation namin sa PICC, imbes na pumunta po ako sa restaurant para kumain, pumunta po ako sa nasunugan sa Caloocan,” sabi ni Go sa ambush interview sa kanyang nang mamahagi ng tulong ang kanyang grupo sa sa Tagum City, Davao del Norte.
“Doon po ako nakipag-boodle fight sa kanila, dahil pangako ko po ‘yan sa mga kababayan natin. Makapagbigay ng tulong at solusyon sa kanilang mga problema at makapag-iwan po ng kaunting ngiti sa panahon ng kanilang pagdadalamhati,” idinagdag niya.
Naghain na ng kanyang kandidatura si Go sa pagkabise-presidente para sa halalang 2022. Personal na sinamahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Go nagdesisyon siya tumakbo sa pagkabise-presidente upang ipagpatuloy ang legasiya ni Duterte.
Nangako si Go na siya ay magiging “working vice president” at hindi magiging “spare tire” lamang. Aniya, siya ay magsisilbing public servant ng bawat ordinaryong Filipino.
“I will be a working public servant po na walang masasayang ni isang minuto, ni isang oras po. Magtatrabaho po ako. Noon pa man hanggang ngayon at magpakailanman, kahit na senador o kahit ano na posisyon, magseserbisyo po ako sa mga kababayan natin,” ani Go.
Magiging bahagi ng kanyang plataporma ang Duterte legacy.
“Pagpatuloy ko ‘yung magagandang programa na inumpisahan ni Pangulong Duterte. Nabanggit ko kanina, campaign against drugs, campaign against corruption in government, campaign against criminality, more (infrastructure) projects… Build, Build, Build. And, of course, economic recovery natin. ‘Yung pagbigay ng trabaho at pagsugpo ng kahirapan at gutom,” anang senador.
“Bigyan ho natin ng trabaho ‘yung mga nawalan po ng trabaho, ‘yon po unahin natin. Tulungan po natin ang ating mga kababayan na makabangon po. Magsipag, maging productive po… Mga nagsara na negosyo, tulungan rin po natin.”
“And, of course, libreng pagpapagamot at libreng edukasyon. At least, one graduate per family po ang gusto kong mangyari,” idiniin niya.
Bilang vice presidential aspirant, sinabi ni Go na nahanda siyang sumuporta kung sino man ang magiging pangulo at kung ano ang natutunan niya kay Pangulong Duterte ay itutulong niya sa magiging pangulo ng bansa.