Advertisers
INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na kailangang-kailangan na talaga na mas mapabilis ang pagresponde sa mga sakuna at kalamidad sa bansa kaya muli siyang nanawagan sa agarang pagsasabatas ng Senate Bill No. 205, mas kilala bilang “Disaster Resilience Act”.
Ang nasabing panukala na inihain mismo ni Go noon pang 2019 ay layong maharap ang mga hamon sa burukrasya na sumisira sa kakayahan ng gobyerno na mas mahusay na tumugon at magbigay ng suporta sa mga indibidwal na apektado ng mga sakuna.
Para magawa ito, kailangang maitatag ang Department of Disaster Resilience (DDR), isang highly-specialized na ahensya na maghahanda laban sa mga mapangwasak na epekto ng pagbabago ng klima at magsisiguro ng mas maagap na diskarte sa mga natural na kalamidad.
Ang SBN 205 ay nakabimbin ngayon sa Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation.
“I will not lose hope. Patuloy akong mananawagan. Maybe, at the proper time, ay maipapasa na rin ito dahil kailangan talaga natin ng cabinet-level na secretary […] para mas mabilis ‘yung koordinasyon between the national government agencies and local government offices,” idiniin ni Go.
Ito, ani Go, ang dahilan kung bakit paulit-ulit niyang sinasabi na dapat may secretary-level na in-charge para mayroong timon na tagapamahala ng preparedness, response and resilience mechanisms pagdating sa mga krisis at sakuna.
Pagsasama-samahin ng DDR ang lahat ng mahahalagang tungkulin at mandato na nakakalat sa iba’t ibang ahensyang may kinalaman sa kalamidad.
Kapag naitatag na, ito ang pangunahing responsable sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad na titiyak na ang mga komunidad ay disaster-resilient, adaptive at ligtas.
Upang suportahan ang mga tungkulin at responsibilidad ng DDR, ang SBN 205 ay lilikha ng isang Integrated Disaster Resilience Information System (IDRIS) na magsisilbing database ng lahat ng impormasyon sa pagbabawas ng panganib sa kalamidad at pagbabago ng klima.
Bukod dito, itinatadhana rin ng panukalang batas ang pagtatatag ng Humanitarian Assistance Action Center, isang one-stop shop sa pagproseso at pagpapalabas ng mga produkto, kagamitan at serbisyo, upang matiyak ang napapanahong paghahatid ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Naglalaan din ito ng mga remedyo o hakbang para sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity, tulad ng pagpapataw ng price ceiling sa mga pangunahing bilihin, programming o reprogramming ng mga pondo para sa pagkukumpuni ng mga pampublikong imprastraktura, at pagbibigay ng walang interes na pautang ng mga institusyong nagpapautang sa mga vulnerable groups o indibidwal.
Ang huli, itatatag ng panukala ang National Disaster Operations Center at Alternative Command and Control Center upang subaybayan, pamahalaan at tugunan ang mga sakuna. Magkakaroon din ng Disaster Resilience Research and Training Institute na mag-aalok ng pagsasanay, mamahala at magbahagi ng impormasyon upang mapabuti ang katatagan ng bansa.