Advertisers
Arestado ang isang matandang binata nang kapain at himas-himasin ang maseselang parte ng katawan ng 16-anyos na dalagita sa Plaridel, Bulacan.
Kinilala ang suspek na si Edwin Alejo, 56, binata, construction worker; habang itinago sa pangalang “AJ” ang biktimang 16-anyos, kapwa residente ng Brgy. Lumang Bayan.
Sa report ng pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-11 nitong Miyerkules, Enero 12, sa inuupahang bahay ng biktima.
Ayon sa salaysay ng biktima, mahimbing siyang natutulog sa kanyang bahay nang pasukin ng suspek.
Agad tinungo ng sabik na sabik na matandang binata ang higaan ng dalagita hanggang sa kapain at lamas-lamasin ang maseselang parte ng katawan niya.
Laking gulat at naalimpungatan ang dalagita na mabilis pumiglas, tumayo at nagtatakbo palabas ng bahay.
Dahil dito, isinumbong niya sa mga tanod ang nangyaring insidente na agad rumesponde kaya nahuli ang suspek at isinuko naman sa pulisya kalaunan.
Nahaharap sa kasong attempted rape na may kaugnayan sa RA 7610 ang suspek habang nakakulong sa naturang himpilan.