Advertisers
CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang miyembro ng Civil Security Unit (CSU) at sugatan ang kanyang anak sa pamamaril sa Kidapawan City.
Kinilala ang nasawi na si Daniel Abubakar Sarip Sr., 52 anyos; habang sugatan ang kanyang anak na si Daniel Sarip Jr., 21, binata at mga residente ng Barangay Sudapin Kidapawan City.
Ayon kay Kidapawan City Chief of Police Lieutenant Colonel Peter Pinalgan na pinasok ng salarin na si Naed Bacaraman ang tahanan ng mga biktima at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng town proper.
Bago umano nangyari ang pamamaril, nagpalitan umano ng maaanghang na salita ang salarin at mga biktima sa hindi pa matiyak na dahilan.
Patay on the spot si Sarip Sr., nang magtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib habang naisugod naman sa pagamutan ang kanyang anak.
Personal na alitan ang natatanaw na motibo ng mga otoridad sa pamamaril sa mga biktima na patuloy nilang iniimbestigahan habang pinaghahanap ang salarin.