Advertisers
PINURI ni Senator Christopher Bong Go ang milyun-milyong Pilipino sa bansa at sa ibang bansa na bumoto sa itinuturing niyang “kabilang sa pinakamatagal, pinakamabigat at pinakamainit na panahon ng halalan” sa Pilipinas sa gitna ng patuloy na pandemya.
Ang senador na bumoto sa Davao City noong Mayo 9, ay nagsabing “Binibigyan ko ng kredito ang sambayanang Pilipino sa pagpapakita at pagpapatunay sa mundo na ang demokrasya ng Pilipinas ay buhay, maayos at umuunlad sa kabila ng lahat ng mga paghihirap at krisis na ating hinarap bilang isang bansa.”
Habang hinihintay ng bansa ang opisyal na resulta ng botohan, umaasa si Go na ang mga Pilipino ay nakapili ng tamang mga pinuno at umapela na bilang mga Pilipino, dapat igalang ang mga resulta, suportahan kung sino man ang susunod na mga lider tungo sa pagkakaisa para sa ikabubuti ng bansa.
“Tapos na po ang halalan. Nagdesisyon na ang ating mga kababayan. Igalang po natin ang naging resulta dahil iyon naman ang nararapat, na sa demokrasya at sa ganitong pagpapasya ng taumbayan ay ang boses ng higit na nakararami ang dapat manaig,” sabi ni Go.
“Hindi naman maiiwasan na may mananalo at matatalo talaga. Kung nagkaroon man tayo ng kanya-kanyang sinuportahan noong panahon ng kampanya hanggang sa bumoto tayo, isantabi na natin iyon. Ito na ang panahon para sa tunay na pagkakaisa. Magsama-sama tayo dahil ang ikabubuti ng ating bansa ay nasa kamay nating lahat at hindi lamang sa mga inihalal natin,” idiniin ng senador.
Muli ring iginiit ni Go ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga pampublikong pinuno na makapagpapatuloy sa mga programa at repormang pinasimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte na napatunayang kapaki-pakinabang sa mamamayang Pilipino sa panahon ng administrasyon nito.
Muling iginiit ni Go na ipapaabot niya ang kanyang lubos na suporta sa mga programa ng susunod na administrasyon na magpapaangat sa buhay ng mga Pilipino.
“Ang halalan na ito ay hindi lamang tungkol sa pagpili kung sino ang mamumuno sa atin sa mga susunod na taon kundi pati na rin sa pagpapatuloy ng mga positibong pagbabago na hatid ng kasalukuyang administrasyon sa pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte,” sabi ni Go.
“Sa aking trabaho bilang senador kahit isang boto lang ako sa Senado, titiyakin ko na ipagpapatuloy at isusulong ang magagandang programang makatutulong sa mahihirap na gaya ng mga panukalang batas para makalikha ng mas maraming trabaho, pagpapaganda ng kalidad ng edukasyon, peace and order at ang pinakamahalaga, ang para sa kalusugan ng ating mga kababayan,” paniniyak ng mambabatas.
Nanindigan si Go na sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng bansa, si Pangulong Duterte ay nag-iwan ng magandang legasiya para sa bansa at sa mamamayang Pilipino.
“Gusto kong pasalamatan ang ating mahal na Pangulong Duterte. Siya ang totoo sa tunay na malasakit at serbisyo. Dahil sa kanya, nagkaroon tayo ng pamahalaan na ang laging pangunahing layunin ay ang pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay sa lipunan,” sabi ni Go.
“Sa panahon ng ating mahal na Pangulo nagkaroon ng Golden Age of Infrastructure. Nakikita natin ngayon ang mga paliparan, daungan, tulay at mga daan na pakikinabangan ng mga susunod na henerasyon ng Pilipino,” anang pa ng senador.