Advertisers
Bilang pagtupad sa kanyang pangako na tutulungan ang mahihirap na Filipino sa gitna ng pandemya, nagbigay ng ayuda si Senador Christopher “Bong” Go sa daan-daang mahihirap na residente sa Quezon, Nueva Ecija.
Nasagawa ang team ng senador ng aktibidad sa Quezon Central School kung saan namahagi sila ng mga pagkain at masks sa bawat residente at nagbigay din ng phablets, mga bisikleta at sapatos sa mga piling indibidwal.
Sa kanyang video message, nanawagan muli si Go, bilang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, sa mga nag-aatubili pang magpabakuna at magpa-booster kontra Covid-19 na suportahan ang at pagtiwalaan ang vaccination program ng pamahalaan.
“Kapag nandiriyan na po ang bakuna, magpabakuna na po kaagad kayo. Ang bakuna po ang susi o solusyon upang unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay. Magtiwala ho kayo sa bakuna, huwag ho kayong matakot sa bakuna. Matakot ho kayo sa COVID-19,” pagbibigay-diin ni Go.
Hinikayat din ng senador ang mga maysakit na lumapit sa mga Malasakit Centers sa probinsya na matatagpuan sa Eduardo L. Joson Memorial Hospital and Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research at Medical Center (PJGMRMC), sa Cabanatuan City, at Talavera General Hospital.
“Mayroon na ho tayong 151 na Malasakit Center sa buong Pilipinas na handang tumulong po sa mga poor and indigent patients. Zero balance po ang target po ng Malasakit Center,” sabi ni Go, principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act.
Para naman mapaganda pa ang serbisyo ng DR. PJGMRMC, inisponsoran ni Go ang panukalang batas sa Senado na naglalayong dagdagan at gawing 1,000 beds ang capacity ng ospital mula sa kasalukuyang 400.
Samantala, upang makatulong sa pagpapalakas ng infrastructure development sa naturang bayan, sinuportahan ni Go, bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance at adopted son ng Nueva Ecija, ang konstruksyon ng flood control structures sa mga Barangay Sto. Cristo, Pulong Bahay, San Andres at San Alejandro.
“Mga kababayan ko, kami po ni Pangulong (Rodrigo) Duterte ay patuloy na magseserbisyo po sa inyong lahat sa abot ng aming makakaya. Kayo po ang nagbibigay lakas sa amin na makapagserbisyo pa po sa inyong lahat. Maraming salamat po sa inyong lahat,” pagtitiyak ni Go.