Advertisers

Advertisers

“Life must go on” – Isko

0 400

Advertisers

“LIFE must go on. Katulad po ng ipinangako ko noon sa inyo, hanggang sa kahuli-hulihang araw ko po bilang Alkalde ng Lungsod ng Maynila ay magtratrabaho po ako.”

Ito ang pagtitiyak na ginawa kahapon ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng panawagan sa kanyang mga supporters na huwag lumahok sa anumang kaguluhan at bigyan ng pagkakataon ang papasok na administrasyon.

Sinabi ni Moreno na patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin hanggang matapos ang kanyang tatlong-taong termino sa Hunyo.



Nagpahayag din siya ng kasiyahan na halos buong tiket ng Asenso Manileno, sa pangunguna ni incoming Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo, ay nanalo.

Ang nasabing local party ay nakuhang pagwagian ang anim na Congressional seats sa Maynila.



Si Moreno ay nagpahayag na ng pagbati kay dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagkapanalo nito bilang presidente na hahalili kay Pangulong Duterte.

Gayundin ay binati nito si Mayor Sara Duterte na nanalo bilang pangalawang pangulo.



Kasabay nito ay nanawagan rin si Moreno sa mga mamamayan na suportahan ang administrasyong Marcos at Duterte at gawin ang tungkulin bilang mga mamamayang Filipino.

“Sa aking mga tagasuporta, mga bumoto sa akin, at sa ating mga kababayan, ito ang panawagan ko: kailangan nating magkaisa at tulungan ang bagong pinili ng ating mga kababayan. Kailangan nating magtagumpay pare-pareho. Hindi po magtatagumpay ang mga bagong halal ng bayan kung tayong mga mamamayan ay hindi makikiisa,” ani Moreno.

“Ako ay nananawagan, huwag tayong makikibahagi sa anumang gulo, anumang alingasngas, at dapat nating bigyan ng pagkakataon ang bagong administrasyon para pamunuan ang bansa. Kailangan tayong magkaisa bilang mamamayan para magtagumpay ang ating bayan. Katulad nga po ng paulit-ulit kong sinasabi, walang magmamalasakit sa ating bansa at magtutulungan kundi tayo ring mga kapwa Pilipino,” dagdag pa ni Moreno. (ANDI GARCIA)