Advertisers
DAPAT solusyunan ng pamahalaan ang pagkaantala sa pag-iimprenta at paghahatid ng National ID sa ating mga kababayan para mabigyan na sila ng katibayan ng pagkakakilanlan sa iisang card.
Ito ang iginiit ni Senador Grace Poe kung saan hindi aniya katanggap-tanggap ang paghihintay ng anim na buwan hanggang isang taon para makuha ang kanilang ID.
Nagamit na sana nila umano ito bilang mapagkakatiwalaang katibayan sa pagkuha ng cash aid, fuel vouchers, benepisyong pangkalusugan at iba pang serbisyong mahigpit nilang kinakailangan para makaraos sa gitna ng kahirapan ayon kay Poe.
Napadali na rin sana ang pakikipagtransaksyon sa pamahalaan at pribadong sektor kung nasa kanila na ito.
“Habang patuloy nating hinihimok ang publiko na kumuha ng National ID, nananawagan tayo sa Philippine Statistics Authority na tiyakin ang kawastuhan ng mga datos sa card at maging maagap sa mga kinakailangang pagbabago rito kung kinakailangan,” wika ni Poe.
Sa kalahati ng populasyon na nakapagrehistro na para sa ID, malinaw na binigyan aniya ng mga Pilipino ng halaga at pag-kakataon ang programa.
Kaya’t nararapat umano lamang na tapatan ito ng gobyerno ng masigasig na paglilingkod sa pamamagitan ng agarang pagkakaloob ng card sa naghihintay nating mga kababayan. (Mylene Alfonso)