Advertisers
INANUNSYO ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tutukuyin na nila ang mga bagong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sinabi ito ni DSWD Secretary Erwin Tulfo matapos ang pagkakatanggal sa listahan ng 1.3 milyong 4Ps beneficiaries dahil hindi na kwalipikado para sa ayuda.
Ayon kay Tulfo, dadaan muna sa mabusising proseso ang mga bagong benepisyaryo upang malaman kung ‘deserved’ ng mga ito na matulungan.
Para naman sa mga tinanggal sa listahan, tiniyak ni Tulfo na agad nila itong ipapaalam.
Kung may pagkakataong lumipat ng tirahan ang benepisyaryo, maaari pa rin itong tumanggap ng tulong sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa regional DSWD office.
Inaasahang ilalabas sa Setyembre o Oktubre ang listahan ng mga bagong benepisaryo at natanggal mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)
Nilinaw naman ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na ang mga natanggal mula sa listahan ng 4Ps ay ang mga pamilya na wala ng anak na edad 18 pababa o nag-aaral, ang mga kumikita ng P12,000 pataas kada buwan, ang mga nakaabot na ng 7-year duration ng programa, ang mga non-compliant o lumabag sa mga kondisyon sa ilalim ng 4Ps at ang mga inurong ang kanilang membership. (Josephine Patricio)