Advertisers
KORONADAL CITY – Naulila ang 7 mga anak ng mag-asawang Kuyan nang brutal na patayin ng Padre de pamilya ang kanyang sariling Misis sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Marina Klading Kuyan, nasa legal na edad; habang ang salarin ang asawa nitong si Julie Kabansil Kuyan alyas “Li”, 44 anyos at kapwa residente ng Sitio Kabalig, Barangay Klubi sa nabanggit na bayan.
Ayon kay Koronadal kay Police Lt. Col Joven Bagaygay, hepe ng Lake Sebu PNP, sobrang selos ang dahilan kung bakit pinatay ng mister ang kaniyang misis.
Ayon kay Col. Bagaygay, lumabas sa kanilang imbestigasyon na habang kumakain ng tanghalian ang biktima at ang kamag-anak nitong si Barangay Kagawad Chita Falan Sulan, biglang dumating ang supek at tinawag ang biktima.
Nang lumapit ang biktima, walang habas na inundayan ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan at hindi pa nakuntento pinugutan niya pa ng ulo.
Agad na tumakas ang salarin nang gawin ang krimen nguni’t hindi rin ito nakalayo dahil makalipas ang mahigit isang oras, sumuko ito sa rumespondeng mga pulis kasama ang mga barangay officials at maging ang Special Forces 10th Company 5th Batallion.
Dagdag pa ng opisyal nagawa rin umano ng salarin ang krimen dahil sa may dinaranas itong sakit sa pag-iisip na hindi na naipagamot dahil sa kahirapan sa buhay.
Napag-alaman na pangalawang asawa na nang salarin ang biktima dahil una na ring namatay ang unang asawa nito na kapatid lamang ng biktima.
Sa ngayon tulala ang salarin na nakakulong na sa lock up cell ng Lake Sebu PNP at nakatakdang sampahan ng kaso.