Advertisers
INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na puwede na uli ang face-to-face consultation sa outpatient department (OPD) ng Justice Jose Abad Santos General Hospital (JASGH) simula Lunes, January 18.
Kasabay nito, ang pamahalaang lungsod ay magbibigay na rin ng libreng RT-PCR o swab testing sa pamamagitan ng drive-thru para sa lahat na walang kakayahang tustusan ang halaga nito.
Ang swab test sa mga pribadong ospital o pribadong kumpanya ay nagkakahalaga ng libu-libong piso.
Ayon kay Moreno, ang OPD ng JASGH ay magbubukas muli ng kanilang face-to-face consultation para sa mga pasyente ng OB-gynecology, pediatrics at psychiatry.
Pinayuhan ni JASGH director Dr. Merle Sacdalan ang lahat ng gustong magpakonsulta ng libre na mag-rehistro sa pamamagitan ng Facebook Page ng ospital mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Ayon pa kay Sacdalan na maaaring limitado lamang ang mga maaasikasong pasyente kaya pinayuhan niya ang lahat ng mga nagparehistro na maghintay ng kumpirmasyon ng kanilang schedule.
Para makapag-rehistro sinabi pa ni Sacdalan na maaring i-click ang link https://docs.google.com/forms/d/e/1FAIpQLSd02ommGs4o8aUZ47zbVX1AVy923az9j8gKiFHWpGvrP3eyRg/viewform at mag-fill out ng form gamit ang mahahalagang detalye o impormasyon.
Samantala ay may pareho ding advise si Moreno sa lahat ng gustong makakuha ng libreng drive-thru swab at ito ay ang magpa-book na ng schedule sa Manila Emergency Operation Center sa Manila Health Department sa pamamagitan ng pagtawag sa mga sumusunod na numero: 09052423327; 09983226367; 09636023177 at 0955587597.
Sinabi ng alkalde na 100 pasyente lang ang maaaring ma-swabbed kada araw at ito by appointment. Ang libreng drive-thru swab testing (RT-PCR) ay bukas sa motorista sa testing center sa Quirino Grandstand simula Lunes, Jan. 18.
Samantala ang serology tests ay patuloy na ibinibigay ng libre sa pareho ding venue para sa mga motorista kahit hindi residente ng Maynila. Ang kapareho ding tests ay patuloy ding ibinibigay ng libre sa mga city hospitals para sa hindi motorista o mga walk-in patients. (ANDI GARCIA)